![]() Marahil ay alam na ng karamihan ang ibig sabihin nito pero maganda pa ring malaman paminsan-minsan ang ating kinalalagyan. Ang lahat ng natatamasa natin ngayon ay dahil sa ating sariling pamamaraan at dahil din sa mga bagay na nabasa, nakita o nagawa ng iba para sa atin. Hindi kailanman maitatanggi na ang koneksyon natin sa mga tao ay nagdulot ng kaginhawahan at maging kasiyahan sa buhay. Nagkakaiba lamang kung paano natin ito titignan, tatanggapin o dadalhin. Ang iba ay nanatiling mapagkumbaba at laging naiisip na magpasalamat sa bawat tagumpay na nakukuha. Ang iba naman, nakakalungkot mang isipin ay nakakalimot at nagiging hambog kalaunan. Yan ang mga langaw sa ibabaw ng kalabaw. Mga dating walang alam na nagkaalam at pakiramdam nya ngayon ay alam nya na ang lahat. Sila rin yung mga pinulot sa basurahan na nilinis lang nang konti at sa maikling panahon ay umastang bagung-bago at mabangong-mabango. Isama na rin ang mga palaboy na hinikayat huminto at magtino pero matapos ang proseso ay naiisipan pang higitan ang gumabay. Ang guro ay mananatiling guro sa isang estudyante. Ang estudyante ay laging estudyante sa kanyang guro. Parang ang ina o ama sa anak. Walang labanan at walang kumparahan. Hindi dapat dinadaig at hindi kailanman kinakalimutan. Tayong lahat ay mga langaw. Ang paglipad ay ang pagsusumikap sa buhay. Kung sakaling mapagod ay mag-iisip marahil ng dadapuan. Puede naman sa lapag lang o sa lupa. Puede rin sa lilim lang magpahinga at magmuni-muni. At puede ring magpahangin at magyabang--- sa ibabaw ng kalabaw. © 2014 Lex Von Sumayo
1 Comment
alamatngkalabaw
4/9/2014 05:23:47 am
ayos. iyan pala ang nilalaman ng metapora ng langaw sa ibabaw ng kalabaw. ipagpatuloy lang ang mabuting kaisipan. :)
Reply
Your comment will be posted after it is approved.
Leave a Reply. |
AuthorLex writes because his head is always full. Titles
All
|