
Isang magandang umaga ang bumungad kay Plado ngunit habang siya ay nag-iinat, may pumutok na baril at siya ay biglang dumapa at natabig niya ang lumang paso na may tanim na kaktus.
“Aray ko!!! Sa tingin ko ay mas masakit pa itong tusok ng kaktus kaysa dun sa bala ng baril na sa tingin ko ay ako ang habol…”, ang naghahabol-hiningang sambit ni Plado.
Saksi ako sa bawat aberya at gulo ni Plado. Siya ay ang aking kaibigan at kaklase sa kolehiyo. Lagi kaming magkasama sa mga sabit nya at sempre sa mga kalokohan niya.
Ang pinaka-unang gulo na kinasangkutan ni Plado ay noong kumakain siya sa isang restaurant na ang specialty ay bulalo. Naasar siya at nag-reklamo sa waiter dahil malamig pa sa bangkay ang binigay sa kanyang sabaw ng bulalo.
“Bakit naman ang lamig ng sabaw nito?!”, ang pagtatakang tanong ni Plado sa waiter.
“Sir, hindi po namin sinasadya, papalitan na lang po namin…”, ang mabilis na
sagot na waiter na halos namumula na sa takot. Habang dinadala na ang bagong bulalo ni Plado, nabuwal bigla ang waiter at natapon ang mainit na mainit na sabaw nito sa bagung-bagong damit ni Plado na binigay pa ng kanyang ninong na galing pa sa States.
Sa pagkakataong iyon, doon na nagsimula ang gulo sa buhay ni Plado.
Episode 2 – Naudlot na Pagdumi
Lumabas kami ni Plado sa isang bingohan matapos naming manalo ng 350 pesos. Malaki na iyon para makakain sa carinderia ni Aling Tony na may anak na kahawig ng Lola ko.
“ Oh, ituro mo na ang gusto mong kainin Plado…tandaan mo, mayrun tayong 350 pesos!”, ang sabi ko na may pagmamalaki ngunit kabado rin baka kapusin ang pera.
“ Mayrun ba kayong bulalo Aling Tony?”, ang tanung ni Plado.
“ Naku! Kahapon namin ulam iyon…tuwing Martes iyon kasi mas malamig at mahangin ang panahon sa araw na iyon…dumaraan kasi dito iyong asawa ni Aling Marta na sobrang yabang…”
“ Ay, ganun ba? Sa gayun ay bigyan mo na lang ako ng kahit anong mainit na
sabaw dyan sa mga ulam nyo…”, nagtatakang pakiusap ni Plado.
Mahilig talaga sa sabaw itong bespren ko. Kahit ano ang
kainin ay dapat mayroon na umuusok na sabaw sa tabi ng kinakain nya. Sabaw lang ay ulam na.
Marami kaming nakain at dali-dali kaming umuwi at sumakay kaagad ng tricycle dahil nadudumi na itong si Plado.
“ Tol, bilisan mo naman dyan sa motor mo, baka hindi na ako makaabot sa bahay namin at dito na ako abutan.”, nanginginig na pakiusap ni Plado.
Pagdating namin sa bahay nila, dali-dali siyang tumakbo, kinuha ang dyaryo, naghuhubad habang tumutungo sa CR, binuksan ang pinto at naupo sa kubeta. Binulatlat ang dyaryo at nag-pokus at biglang nag-brown-out.
Patay ang exhaust fan, mainit at walang ilaw. Hindi sanay dumumi si Plado nang walang ilaw at walang binabasang dyaryo.
Naudlot tuloy ang pagdumi. Sayang. May mga naghihintay pa naman sa poso-negro.
Episode 3 – Kaninang Kanin
ROTC. Salamat naman at uwian na dahil wala naman talagang kuwenta ang training na ito. Tuturuan ka kung paano magutom. Pagkatapos tuturuan ka ring kumain ng malamig na pizza pie at uminom ng mainit na softdrinks.
Attendance na puedeng i-forge ng isa sa mga kaklase ko or ka-platoon. Hindi ka nga lang talaga puedeng matulog sa buong training.
Sa labas ng kampo ay maraming nagtitinda pero dahil sa gustong magtipid para
may pang-date sa girlfriend, sa bahay na lang kakain para ayos!
“ Plado, bili na lang kaya tayo ng barbeque dyan sa kanto nina Aling Tony? Para sa bahay na lang natin kainin, may sinaing naman ako kaninang umaga. “, pagmamalaki ko.
“Akala ko ba ay magtitipid tayo? “, pagalit na tanong ni Plado.
“ Sasagutin naman ni Eday ang date naming bukas kaya okay lang…”, paliwanag ko.
“ O, sige ikaw ang bahala, dagdagan mo na rin ng bituka ng manok at damihan mo iyong suka ha?, ang sabik na pakiusap ni Plado.
Habang naglalakad patungo na sa bahay namin ay may nadaanan kaming Mami House. “ Sandali lang, bili na rin kaya tayo ng sabaw dito?, ang padilat pang tanong ni Plado.
“ Uunahan na kita, walang bulalo dyan okay? Puro mami lang dyan…”, ang paliwanag ko habang ina-amuu-amoy ko ang barbeque. “Alam ko naman yun…pero meron silang brownies dito kaya bibili na rin ako para sa dessert natin…at meron ding ice cream, may atchara pa…ayos! Kumpleto na ang
tanghalian natin!, “, ang super-sabik na pagsasalita ni Plado.
Pagdating namin sa bahay, dali-daling naghain itong si Plado. Naglagay na ng pinggan, baso, pitsel na may yelo at mga kubyertos.
Hinanda ko naman ang mga binili naming kanina sa labas —- ang barbeque, bituka ng manok, suka, ice cream, atchara at yung brownies. Mabilis na ring nagtungo itong si Plado sa rice cooker para magsandok na ng kanin.
“Anak ng… nasaan yung kanin dito? Akala ko ba ay nagsaing ka kanina? “, ang pagalit at maluha-luhang tanong ni Plado.
“ Naku, nagpunta nga pala si Tatang Rene kaninang tanghali. Kinain niya iyong kanin dyan sa rice cooker”, ang malayong pasigaw na paliwanag ng nanay ko.
Episode 4 – Hostage
Pauwi na kami ni Plado patungo sa bahay namin. Galing kami sa skul.
“ Bakit kaya trapik manong? “, ang tanong ko sa driver ng dyip.
“ Mayroong ginagawang daan dyan sa kanto, nagta-trapik kasi naging one way…” , paliwanag ng driver na may kasama pang kamot sa ulo.
Sa paghihintay sa dyip at para pang-alis inip, nilabas ko muna yung celfone at nagbasa ako ng mga lumang messages sa inbox. Matapos kong basahin iyon ay naglaro na lang ang isip ko sa mga nakikita kong tao.
“ Ha! Ha! Ha! ….” , ang biglang paghalaklak ni Plado.
“ Nakakagulat ka naman, Plado…ano na naman ang pumasok dyan sa isip mo at bigla kang tumawa nang ganyan? “, ang nagulat kong pagtatanong.
“ Naalala ko kasi yung klase natin kanina. Habang nagtatawag si Ma’am ng attendance, imbis na masabi nya ang apelyidong Siochi—– Sioke ang lumabas sa bibig nya, hehehe!”, ang mangiyak-ngiyak pang kuwento ni Plado.
“ Oo nga eh…para ngang na-offend tuloy itong si Siochi. Sa bagay, may hinala rin ako sa taong yun…kasi minsan may ibang kislap ang mga mata nya pag tumitingin sa akin…hehehe! “, ang pabulong kong sagot kay Plado.
“ Ang tawag ko sa mga taong iyon ay “Hostage”…kasi hostage nila ang sarili nila. Tapos ang tanging ransom sa ganyan ay acceptance…”, ang malalim na paliwanag ni Plado. Kahit kasi maloko itong si Plado ay may sense din naman ang mga sinasabi kung minsan. Madalas kasing magbasa iyan ng Lakbay-Diwa sa Tempo.
“ Ayy, salamat naman at umandar na itong dyip na ito. Siya nga pala Plado, pagkababa natin ay mauna ka na sa bahay, kasi dadaanan ko muna iyong pinagawa kong sapatos dyan sa Mr. Quickie…”, ang banggit ko kay Plado habang tinitingnan ko ang magandang chikas na naglalakad.
Makalipas ang 20 minuto, biglang tumawag sa celfone ko itong si Plado. Nanginginig ang boses at halos naiiyak na.
“ Pumunta ka nang madali rito, tulungan mo ako!!! “, takot na takot na pagsasalita ni Plado.
“ Ha?! Anu bang nangyari? Nasaan ka ba? “, nangangamba ngunit may dudang tanong ko.
“ Narito ako sa kanto na malapit sa bahay ninyo…Hostage ako….hostage ako ng dalawang aso rito…hindi ako makatawid kasi habang gumagalaw ako, sumusunod at tumatahol! “
“ Ganun ba? Hintayin mo ako…magdadala na rin ako ng pang-ransom…puede na kaya ang buto? “, ang natatawa kong sinabi kay Plado.
Episode 5 – Sizzling Hot Sisig
“ Pards, itagay mo na ‘yan! “, ang halos matuwad-tuwad na pagsasalita ni Plado.
Nag-ayang uminom ang isa naming tropa sa skul at inabot kami ng pagtilaok ng manok. Maraming nainom itong si Plado. Halos hindi na nga makalakad pag-uwi namin. Ang mahirap nga lang ay mayroon kaming exam mamaya sa Chemistry.
Laking gulat ko nang nakapasok pa itong si Plado sa skul.
“ Ayos ka Plado! Mabuti at nakapasok ka pa…!”, ang pang-aasar kong sinabi kay Plado.
“ Siyempre naman, exam ata ngayon! “, ang mayabang na sagot ni Plado habang siya ay nagbabasa at kunwari ay nagre-review.
“ Sa bagay, paborito mo kasi itong subject na ito dahil makikita mo ang pinaka-gusto mong Professor….”, ang pang-aasar na sinabi ko ulit kay Plado.
Sa lahat kasi ng subject, itong Chemistry ang pinaka-alanganin kay Plado. Masyadong mahigpit ang Prof. Tapos, super boring at makunat magbigay ng grade.
Pagkatapos ng exam ay dumiretso kami kaagad sa canteen at umasa na may makain na bago. Lagi kasing half-cooked ang mga burger, maging ang iced tea ay hindi lasang tsaa. Saka amoy lemon ang mga kutsara.
“ Pards, tikman mo itong inorder ko — Sizzling Hot Sisig….!”, ang pagmamalaki ni Plado na akala mo naman ay bago ang kinakain pero iyon din naman ang kinain niya kahapon.
Halos lahat sa skul ay kilala kaming dalawa bilang “best buds” pero ang iba naman ay napapagkamalan kaming mag-dyowa. Kasi kahit saan ay parang anino na namin ang isa’t-isa. Kahit nga noong namatay ang alaga nyang rabbit, kaming dalawa ang naglibing.
“ Pards, di ba may lakad kayo ni Eday ngayon? Bakit naririto ka pa? “, ang pagtatakang tanong ni Plado habang nginu-nguya nya ang sisig.
“ Hinahantay ko lang ang text nya Plado…kapag nag-text siya ay sibat na ako
kaagad at iwanan na kita dito…”, ang mabilis kong pagsagot kay Plado.
Ilang sandali pa ay may dalawang bading na naki-share sa table namin at parang iba ang tingin sa aming dalawa. Sa mga oras ding yun ay hindi sinasadyang nanguya ni Plado ang siling-labuyo doon sa kinakain nyang sisig.
“ Pards, iwanan na kita…naryan na ang girlfriend ko….! “, ang pasigaw kong sinabi kay Plado habang ako ay lumalakad nang mabilis palabas ng canteen.
Halos lumuluha na itong si Plado dahil sa nanguya nyang sili at napansin iyon ng dalawang bading na ka-share nila sa table.
“ Heto ang tissue…punasan mo ang luha mo…marami pa namang lalaki dyan na magmamahal sa iyo…”, ang sabi ng isa sa mga bading na may matching himas pa sa likod ni Plado.
---
Mga Kuwento Ni Lex
© 2011 Lex Von Sumayo