
Tinatanong nya lagi ang sarili nya kung bakit naging malupit ang kalikasan sa kanyang buhok. Hindi kasi sa kanya bagay ang kalbo kaya siya nagrereklamo sa mundo. Pero masaya naman ang tao kina Pipoy at Tito Varela. Mas macho pa nga ang tingin kina Bruce Willis at Vin Diesel.
Kasi marami siyang satsat o peklat sa ulo na resulta ng kanyang mga di makontrol na galit. Halos ilang beses na ring nakatikim ng perwisyo ang mga vase sa bahay ng kanyang dating kasintahan. Ilan nga ba yung kinuwento nyang binasag nya? Mga sampu na ata. Mabuti na lang at hindi ito mga high-end. Gawa lang sa chalk.
Matalino naman itong si Leema ngunit mayrun siyang kakaiba sa kanyang pag-iisip. Napupuna nya kasi ang mga hindi napupuna ng iba. Sa kabilang banda ay marami akong natutunan sa kanya---noong makapal pa ang buhok nya, habang ito'y nalalagas at hanggang sa ngayon.
Ang pinakagusto ko sa lahat ng kanyang sinabi ay yung banat nya sa ulo at sa buhok nya:
“Ang tao ay magulo. Parang buhok ko sa umaga, sa hapon at sa gabi. Habang humahaba ay nahihirapan kang ayusin na parang prublema na dumadami. Kung hindi mo papagupitan, araw-araw mo itong makikita at kakainisan. Kapag pinaputulan mo naman, may konting bahid ng pagsisisi na sana ay hindi na lang ito pinagupitan.
Minsan naman, kung gusto mong maiba, pinapakulayan mo ito, pinapa-straight ang mga kulot at pinapa-kulot ang straight. Malabo na talaga ang mundo, hindi mo talaga alam kung sino ang nagtataglay ng natural na buhok. Totoo ba yan o wig lang? Hair-extension o ano?
Sa buhok kasi tumitingin ang tao. Alam nila kapag hindi ka naligo. Malalaman din nila kung taga-saan ka, kung ano ka o kung tunay ka o nagpapanggap lang. Alam din nila kapag may bagyo o mahangin sa labas. Alam nila na may prublema ka dahil lagi mong kamot ang ulo at sinasabutan mong unti-unti ang iyong mga buhok.
Gagong gupit. Pinatay ko na ang gumipit. Alam mo kung matanda na o bata pa kahit tumingin ka lang sa buhok. Uban at kalbo, feeling matanda o macho. Masaya ka ba?
Pero kung tutuusin, proteksyon lang talaga ang silbi ng buhok sa atin. Parang balahibo o kaliskis ng mga hayop. Pero iba na ngayon. Nagiging basehan na ito ng yaman at hirap. Mabango at mabaho. Tunay at nagpapanggap. Showy at mahiyain. Masaya at malungkot.“
Iyan ang buhok ni Leema. Parang isang buhay na nawawalan na ng saysay at kulay.
Pakalbo ka na lang para hindi halata.
© 2010 Lex Von Sumayo