
Nagbalik ka nga ngunit huli na ang lahat. Tapos na ang palabas at kailangang simulan mo ulit ito doon pinaka-unang bahagi. Pero ang ating unang reaksyon: “Naku! Mahirap gawin yun! Mahaba na ang tinahak kong landas…”
Sa madaling salita, sa simpleng bagay na ganun ay talagang ayaw na nating bumalik sa simula o sa sinasabi nilang “nakaraan”. Mahirap daw kasi o talagang hindi na pupuwede?
Nakakalap ako ng mga bagay-bagay, sitwasyon at kuwento na talagang nagpapatunay na mahirap talaga minsan ang bumalik sa kung saan man. Kabilang din ang mga naging epekto o resulta nito -- sa pangkasalukuyan at sa hinaharap.
1. Madali ang magpatakbo ng kotse o oto nang paabante pero mahirap ang umatras. Kailangan mong baliktarin ang tingin sa rearview mirror. Ang bicycle or single motorcycle ay sadyang walang gear para umatras dahil sa tingin ko ay mahirap gawin yun. Parang katulad ng iyong katawan, kapag inabuso mo sa simula, mahihirapan ka nang ibalik ang dati nitong anyo sa ngayon.
2. Minsan, habang ako ay nagdi-discuss ng isang lesson sa guitar, pinatugtog ko ang estudyante ko ng isang scale (C major scale). Sabi ko, “play it ascending…” Ayos at nakuha nya naman kaagad. Pero nang sinabi ko, “play it descending…” Yun at nahirapan siya! Hindi lang naman ang “papunta” ang iisipin mo, dapat pati ang “pabalik” dahil minsan iba na ang daan pauwi at iba na rin ang iyong mga makakasalubong.
3. Nagsagawa ng isang “carbon dating” ang isang scientist sa isang footprint na naiwan at tumigas sa isang volcanic mud. Ito ay tinatayang 2,000 years ago! Hmm, kayang mapatunayan ng nakaraan at nangyayaring sitwasyon ngayon sa mundo. History din ang tumulong kay President para siya ay maluklok sa kinalalagyan nya ngayon. Ako rin naman ay mayrun ding history sa buhay pero nakatulong ito para ako ay maging ayos ngayon. Sa iyong pagbabalik, dapat ay mayrun ding pagbabago.
4. Pero malinaw sa iyo noong una pa lang na ang SRS (Sex Reassignment Surgery) ay irreversible kaya bakit ka umiiyak dyan? Sa una ay nakikita mo sa sarili na masaya ka sa kalalabasan nito pero dahil sa dami ng komplikasyon matapos ang operasyon, ay nagsisisi ka ngayon. Parang tiwala yan sa isang tao, kapag nasira mo na ito, hindi mo na maibabalik basta-basta. Dahil nakatatak na sa isip ang bagay na iyong ginawa. Malabo lagi ang tubig sa baso ng mga humihingi ng second chance.
5. Ang bata mo pa sa picture na ito ahh, parang hindi ikaw! Hehehe. Nakakatuwa minsang alalahanin ang nakaraan lalo na kung ito ay maganda. Pero kung hindi naging maganda ay gusto nating kalimutan na lang. Hindi mo na kasi maiisip ang mga magandang nagawa sa iyo kapag nagawan ka na ng isang pagkakamali. May sukatan pa rin talaga ang pagpapatawad. Simpleng gasgas ay kayang tiisin dahil gagaling din naman kaagad. Ngunit ang malalim na sugat na halos tagos hanggang buto ay matagal maghihilom at kung maghilom man ay may maiiwang malaking bakas na laging makikita at laging maaalala ang nakaraan. Buwisit! Ayaw ko nang bumalik doon!
6. Sa music scene ngayon, kung susuriin mo ay halos binabalik lang nila ang dating tunog. Revival ang tawag dun. Minsan nga ay halos kopyahin na ang bawat tono. Ang iba naman ay kukuha lang ng isang idea sa lumang kanta at gagawan na ng bagong tono ang kasunod na part, pero sasabihin nilang original daw nila yun. Walang coincidence sa music, marami lang talagang manggagaya! Ito ang ilan sa mga kanta : ang bass riff ng Under Pressure(Queen) at Ice Ice Baby(Vanilla Ice); ang middle riff ng It’s A Shame About Ray(Lemonheads) at ang intro riff ng Alapaap(Eraserheads); ang chord progression ng Wonderwall(Oasis) at Boulevard of Broken Dreams(Green Day); ang verse ng Marupok Ka Man(Claire dela Fuente) at ang Hanggang(Wency Cornejo). Wala na bang maisip na iba ang mga ito?
7. May pagka-Satanic daw ang back masking. May lumalabas daw na words or phrases of hate, swear words at minsan ay may mga good messages din naman. Sabi din nila na pag may nakalimutan kang isang bagay pagkaalis mo ng bahay, wag mo na raw itong balikan. May masama raw na mangyayari sa iyo. At kung ayaw mo maligaw, baliktarin mo raw ang suot mong damit. Bumalik ka nga dito! Hindi pa tayo tapos mag-usap, Hudas ka!
8. Kung ang dahilan lang kung bakit ka nagbalik ay dahil gusto mo lang na makaganti o makabawi, naku! pakiusap naman -- ‘wag na lang. Madali mang ibalik ang nakaraan para sa iyo pero hindi ko pa rin malilimutan ang nagawa mo sa akin. Kapag naaala ko kasi yun, naaalala ko ang pagiging makasarili ko at ang pagiging salbahe ko. Kaya pakiusap naman ulit -- ‘wag na lang!
9. Ang iyong ina at ang iyong ama ang dahilan kung bakit naririto ka sa mundo. Sana naman ay tumanaw ka ng utang na loob sa kanila. Kahit na anong mangyari ay hindi mo sila kailanman dapat isasawalang-bahala. Kahit sa mga dating kaibigan at mga teachers mo na naging instrumento ng iyong katayuan ngayon, hindi mo dapat sila kinakalimutan. Sabi nga nila, “Ang hindi marunong tumingin sa pinanggalingan ay hindi makakarating sa paroroonan.” Pero ang utang daw ay hindi nakakalimutan, ito raw ay kinakalimutan! Hehehe.
Madali at mahirap ang ating pagbabalik sa mga bagay-bagay. May nakaabang na parusa o regalo sa iyong mga nagawang mabuti at masama sa nakaraan. May balik talaga lagi.
May pasulong man o paatras, papunta at pabalik, umiikot pa rin ang proseso sa mundo. Sa pagtanda mo, babalik ka pa rin sa pagkabata (nagmumurang kamyas) at magbabalik ka rin ng kusa -- sa lupa.