![]() litaw haring araw Parang kulimlim na naman. Mukhang aabot pa ng ilang araw ang ulan na ito. Kailan kaya matutuyo ang mga sinampay ni Aling Ely? Matagal ko na ring hindi nakikita ang mga gumagalaw na kulay. Matagal ko na ring hindi nararamdaman ang saya at kaba sa tuwing sasapit ang tanghalian. “Celso! Celso!”, ang natatarantang sambit ni Noemi. “Walang katulad ang nahuli kong palaka dyan sa likod-bahay nina Aling Ely. Halos hindi mo na mapansin ang kanyang pagka-palaka…”, ang buong pagmamalaki niya. Kahit na alam kong mababaw ang kaligayahan nitong si Noemi, nabibigyan niya ako ng mga kakaibang ideya. May katumbas na paliwanag sa akin ang mga ginagawa nyang sistema na sadyang labas sa karaniwang hubog ng mundo. Nabanggit niya minsan sa akin na ang pagsapit ng lungkot sa buhay ay ang paglalapat ng sariling mga labi habang tumitingin sa mga mata ng isang kaibigan. Naging kasama ko si Noemi sa bawat daloy ng pighati. Maging sa sugat at paghilom nito. Hindi ko siya hinahanap pero lagi siyang kasama sa larawan. Para siyang kanin sa bawat tapsilog. Mabuti na lang at hindi ako ang itlog. Ayokong masapawan ang puting kabutihan ng konting pagkakamali. Mahirap ibalik ang dating kulay. “Huy! Celso! Gusto mo ba talagang makita ang mga gumagalaw na kulay?”, ang pagulat na patanong ni Noemi. “Siyempre naman! Paano? Paano ko makikita ang sinasabi mo?”, ang nagtatakang sagot at tanong ko. “Iguhit ang araw para hindi umulan…”, ang sabi ni Noemi na may ngiting nakakaasar. Ilang minuto lang ay natanaw ko na ang mga gumagalaw na kulay dahil isinilong na ni Aling Ely ang kanyang mga sinampay. Tanaw ko na mula rito sa aming bintana ang kanilang Cable TV na mga ilang araw ding natakpan ng mga basang damit. © 2006 Lex Von Sumayo
0 Comments
|
AuthorLex writes because his head is always full. Titles
All
|