
Malawak ang tanong na ito. Binabago nito kadalasan ang takbo ng buhay at ang mga kaakibat na plano. Susubukan kong ilatag ang ilan sa mga sitwasyon na maaaring magdulot ng epekto gamit ang mahiwagang tanong na ito.
KAILAN mo ba balak sagutin ang inaalay kong pag-ibig? Huwag kang mag-alala dahil kahit KAILAN ay maghihintay ako. Buo lagi ang loob ko at tunay ngang magtitiis.
KAILAN ka ba darating sa buhay ko? Laging baon ng aking puso ang pag-asa na ibibigay ka rin sa akin. Ang hangarin ko ay hindi kailanman magagapi. Alam kong may darating. Ikaw ay darating.
KAILAN ba ang alis mo? Ngayon pa lang ay nalulungkot na kaagad ako. Kahit na alam ko naman ang petsa ng alis mo, bakit pilit ko pa rin itong tinatanong sa iyo.
KAILAN ka ba uuwi dito? Matagal na panahon na ang lumipas at nasasabik na ako sa iyong muling pagbabalik. KAILAN ko ba huling nadama ang init ng iyong pagmamahal?
KAILAN mo ba ako papakilala sa mga magulang mo? Alam kong nagdadalawang-isip ka pa rin dahil may malaking uwang ang estado natin sa buhay. Gayunpaman ay mananatili ka dito sa puso ko kahit na maglaho pa ang ulap sa iyong mga mata.
KAILAN mo ba aayusin ang buhay mo? Tapusin na ang rebelyon sa iyong kalooban. Huwag mong isipin na wala nang pamilya na puedeng umalalay sa iyo. Naririto lang kami lagi at handang tumulong.
KAILAN mo ba tutuparin ang iyong pinangako? Medyo matagal na kasi at kailangan ko na ang inutang mong datung. Madali talagang manghiram pero sadyang mahirap magbayad at maningil.
KAILAN mo ba babaguhin ang iyong ugali? Alam kong mataas ang ere mo pero hindi naman sa lahat ng panahon ay kakayan-kayanin mo ang mga taong sa tingin mo ay mababa sa iyo. Mahaba na ang ginawa mong pagtulog, gising na hoy!
KAILAN mo ba ito gagawin? Alam kong mahirap at teknikal ang proseso pero mananatili ka na lang bang ganyan at iiwasan lagi ang pagsubok? Mahirap lagi ang simula, madali na sa gitna at medyo mahirap din sa huli.
KAILAN mo ba iisipin ang iyong kinabukasan? Itigil na ang pagiging makasarili at intindihin lang ang mga dapat intindihin. Hindi gagalaw ang gulong sa palad kung hindi mo ito itutulak. Hindi rin magbabago ang barya sa bulsa kung wala kang dinadagdag.
KAILAN, KAILAN, KAILAN.
Pag-asang may magbabago sa hindi nagbabagong pag-asa ng mundo.
© 2013 Lex Von Sumayo