
Pagdating ng high school ay medyo nag-iba na. Nadagdagan at nag-iba na ang mga kailangan. Naghihilamos na sa gabi at nagpapahid na ng Rexona pagkaligo. Kailangan na ring magalit at natuto na ring magmura. Kailangang sumabay sa agos ng pag-ibig at nanligaw na rin. Nag-aral ng gitara para may magawa lang ang mga kamay at daliri. Kumuha ng entrance test sa mga colleges at natapos din ang high school nang may konting medal sa dibdib.
Dumating ang college at mga bulakbol. Pinabayaan ang kursong ECE at pinagpalit sa Music Degree. Nagkaroon ng serious GF at nagkaroon na rin ng seryosong path ang buhay. Nakapag-trabaho at nakatikim ng steak sa TGIF. Dagdagan pa ng ice cream sa Baskin Robbins at one-to-sawang roasted chicken pag tinatamad magluto.
Masaya pa rin naman ang mundo kahit wala kang blackberry na phone, DSLR na camera, original DVD movies at Macbook Pro na laptop. Lilipad pa rin naman ang balita sa iyo kahit wala kang cable TV or internet. Matatapos din naman ang araw mo kahit na ang kinain mo lang sa gabi ay soup at tinapay. Makakarating ka pa rin naman sa lugar ng trabaho mo kahit wala kang hulugan na sasakyan na pamporma lang naman.
Kung tutuusin ay " food-water-shelter " lang ang kailangan natin. Pero dahil gusto nating sumaya kahit na sandali lang, dinadagdagan natin ang pangangailangan. Imagine kung ang buong sueldo ay nilalaan mo lang sa basic necessities, siguro ay marami kang ipon sa bangko. Ang katwiran lagi ng iba --- kailangang magsaya at magpahangin paminsan-minsan. Yun nga lang, pag malapit nang matapos ang buwan, balik ka na naman sa mga de-lata na pagkain.
Tandaan mo, mas marami ay mas mahirap i-handle. Huwag ipilit ang sarili kung hindi mo naman kayang isiksik sa oras mo ang bagong pagkaka-abalahan. Hindi mo na rin dapat iniisip ang prublema ng iba dahil may sarili ka ring prublema di ba? Kailangan mo na rin magpatawad at kalimutan na ang bagay na nakasakit sa iyo. Ano ba ang mapapala mo sa pagkipkip ng galit? Kailangan mo ba yun? Ang maging isang sikat na kaibigan at maging centro ng atensyon, kailangan ba yun?
Madami tayong kailangan sa mundo pero hindi natin lahat yun makukuha, magagawa at makakamtan. Marami nang nagsakripisyo at nagbuwis ng buhay para lang sa isang bagay dahil kailangan lang na may patunayan. Maraming oras na rin ang nasayang kakatanim mo ng mga kalokohan sa Farmville. Natuyo na ang langis sa Middle East at sadyang magaling ka pa ring magdala na wala kang prublema. Kailangan ba sa image?
Naka-design ang tao para mangailangan. Hindi na yun puedeng mabago pero iyon ay laging madadagdagan. Natuto na tayo sa mga kinailangan at kakailanganin pa rin nating magpatuloy para mabuhay. Hayaan mo, hindi naman laging ganito dahil kailangan din nating magpahinga at sa paglaon, tayo rin ay mamamatay.
Iba-iba ang kailangan natin sa mundo pero dapat ba ay laging may dahilan?
© 2010 Lex Von Sumayo