Kahit na tama ang landas na dinadaanan, hindi pa rin tiyak na makakarating sa paroroonan kung ang nilalakaran ay medyo maulap. Kadalasan pa nga ay may mga di inaasahang pangyayari na makakapagpabagal, makakapagpabalik o makakasira nang tuluyan sa buong biyahe. Kasi nga hindi malinaw, malabo.
Subok na hindi maiintindihan nang maayos sa unang pakikinig ang bulol na pagsasalita. Para kasing may lakad ka at tila nagmamadali. Puede namang iwasan noong sa simula pa lang ngunit hinayaan, kaya yan tuloy napagtatawanan pa. Kasi nga, hindi malinaw, malabo. Isuot kasi ang salamin. Nabasa tuloy nang mali ang “I Love You”, naging “I Lose You” kaya nagdulot ng pagkakahiwalay ng landas ng magsing-irog. Iba talaga ang tinititigan sa tinitingnan lang. Kitang-kita naman sa kilos pa lang na hudas yang kasama mo kaso nagdadahilan ka pa. Kasi nga hindi malinaw, malabo. Pahaging-haging. Papansin. May alinlangan pero hindi umaaktong nanliligaw. Kaya tuloy naagaw. Kalauna’y nagsawa rin at nagdesisyon ang panahon. Ang bagal kasi. Alam naman na hinihintay ka rin. Ang pakay ay hindi man lang nasambit nang tuwid. Nasa huli ang pagsisisi. Kasi nga hindi malinaw, malabo. Humanap ka ng ibang puesto dahil parang umaalon ang linya mo. Ang tunog ay para ding nanggagaling sa ilalim ng lupa. Napipilas ang ibang mga salita na para bang ikaw ay nagmumura. Tang inumin mo, huwag Milo. Naubos lang load ko, talunan at nabuwisit pa pero hindi naman nakuha ang matamis nyang Oo. Kasi nga hindi malinaw, malabo. Kung hindi mo pa rin nakikita ang tunay na silbi sa mundo — ilawan ang daan, magsalita nang mabagal nang maintindihan, ugaliing magsuot ng salamin sa mata, seryosohin ang pakay at ilagay ang sarili sa tamang lugar. Unti-unti at dahan-dahan, na parang pagmulat ng mga mata at pagbukang-liwayway, sasabay ang kulay sa aninag ng iyong buhay. Sabi ng iba, kapag may konting hiwaga, ito ay laging susubaybayan at tuturuan sa pagkakaroon ng pag-asa na baka may maganap na kakaibang himala. Pero sa tingin ko, isa lang lagi ang dahilan ng kabaliwan --- kasi nga hindi malinaw, malabo. © 2016 Lex Von Sumayo
1 Comment
|
AuthorLex writes because his head is always full. Titles
All
|