![]() hudas basbas Ang katumbas ng balbas ay yung mga bagay na paulit-ulit, pabalik-balik, paikot-ikot at iyong mga bagay na madaling tanggalin pero mabilis ding pabalikin. Tulad ng mga bisyo at gawi, mga pag-asa at pagkakataon, mga kinalakihan at mga paglason na may bahid pa rin ng pahina ng muling pagsisimula. Ang balbas ay natural na tutubo. Uusbong at hahaba na paparumihin ang iyong mukha. Papatapangin at gagawin kang isang tunay na lalaki. Maraming bisyo na mahirap alisin sa isipan. Masarap talaga ang bawal. Alam naman na magugulantang ang mga panloob na sistema ng katawan pero ganun na lamang ay patuloy pa rin sa paghithit sa impierno at paghalik sa bote ng kalokohan. Ang mga gawi na parang biyahe ng bus o jeep na babalik pa rin sa terminal. Parang pangako ni MacArthur noong panahon ng Hapon. Ang mga kasuotan ngayon na nauso na rin noon pang dekada '70 ay nasasaksihan ulit ngayon. Bumabalik lagi. Mga sigalot at hindi pagkakaunawaan ng tao ay paulit-ulit lang din ang dahilan. Matagal talagang matuto ang tao na hindi marunong lumingon sa aral ng kahapon. Nahiwa na ng kabilang bahagi ng kutsilyo ay patuloy pa ring nilalagay ang sarili sa delikadong lugar at magtataka pa rin kung bakit natatanaw sa salamin ang buhay na madilim. Kahit na ikaw ay nasaktan dahil sa pag-ibig hindi ito nangangahulugan na hindi ka na muling makakaramdam ng haplos ng pagmamahal. Sa mga bagong tubo ng balbas ay bago din ang hibla ng pag-aaruga. Kung laging aagapan ay may posibilidad na ito ay magtagal at hahaba na maganda ang alon at wagayway. Lagi itong tutubo. Lagi mo itong masisilayan. Laging may sisibol na pag-asa. Dapat lang ay alagaan at huwag papabayaan. Konting labas ng balbas...TABAS! Hawak mo ang gunting. Ikaw ang bahala sa labaha. Puedeng konti. Puedeng sakto. Puedeng sagad. Puedeng kortehan at puede ring huwag nang pansinin at galawin. Basbas ng basbas. © 2012 Lex Von Sumayo
0 Comments
|
AuthorLex writes because his head is always full. Titles
All
|