
Nakasabay ni Pareng Kiko ang kumpare nyang si Pareng Lucio sa tren at napag-usapan nila ang pulitika. Nagkaroon sila ng mga opinyon at katulad ng ating inaasahan, nauwi ito sa pagtatalo. Naisip ko lang, kung isang libro o isang balita sa telebisyon lang ang napanood nila ay hindi sana umabot sa ganun ang sitwasyon.
Nakakatuwa lang isipin na nagiging magaling o tumatalino ang isang tao dahil sa kanyang pagbabasa. Pero minsan ay ipinapahiwatig nila na parang sila ang nakaisip at ang orihinal na nagkatha nito.
Maging sa musika, ang lahat ng mga bagong kanta ngayon ay hango din lamang sa mga tugtugin ng nakaraan. May konti lang na pagkakaiba pero iisa pa rin ang ugat nito. Kaya ang aking istilo ng pagtugtog, paglikha at pag-areglo ng musika ay anino lang din ng aking mga naging guro. Ang epektibong pag-interpret ng mga piyesa ay galing sa mahusay kong guro na si Ginoong Edgardo de Dios. Ang istilo ng pag-areglo sa solo guitar ay turo ni Maestro Jose Valdez at ang aking malambing at maramdaming vibrato ay impluwensya ni Andres Segovia.
Lahat ng mayrun ka ngayon na patungkol sa kaalaman, talento, ugali, biyaya at karanasan ay may tunay na pinanggalingan. Maaaring nasagap, nabanggit, nabasa, nakita o naramdaman mo ito dahil sa iyong pakikisalamuha sa kapaligiran. Hindi pupude na sumulpot lang basta ang isang ideya nang walang dahilan.
Kaya huwag masyadong mayabang sa nalalaman ng iyong utak.
Kung ako ang inyong tatanungin, kung saan ko pinagkukuha ang mga sinulat ko dito, ang isasagot ko ay ganun din --- nabasa ko lang.
© 2014 Lex Von Sumayo