![]() masarap maghintay Bahagi na ng buhay natin ang paghihintay. Maaaring ito ay tungkol sa sagot ng pag-ibig, resulta ng isang exam or lotto draw, pagdating o pag-alis ng isang nilalang, promo or sale sa isang mall, pagpalit ng panahon, paghaba ng buhok, pagkain na pina-deliver, sulat or confirmation sa isang transaction at maging ang sueldo sa katapusan ng buwan. Sa kabila ng paghihintay natin ay binabalot ng maraming pakiramdam ang kalooban natin. Sa paghihintay ay puede tayong ma-excite, matakot, mainip, matuwa at ang kadalasan ay yung mabigyan ng pag-asa. Maaari ka ring madismaya pero puede ring mabago ang buhay mo sa iyong ginagawang paghihintay. Pero ano ba talaga ang paghihintay? Para sa akin ay dalawang klase lang ang paghihintay--- ang matiyagang paghihintay at iyong mainiping paghihintay. Pag-usapan muna natin ang "mainiping paghihintay". Ito ay yung klase na naghahanap kaagad ng resulta sa ikli ng oras ng paghihintay, na gusto lang ay puro sarap at hindi saya. Sila yung mahilig sa mga de-latang pagkain at ayaw ng mga putahe na kailangang gawin ang proseso mula sa paghiwa ng sibuyas hanggang sa pagpapakulo ng karne. Kaya malinaw na ang mainiping paghihintay ay kasama ng mga tao o mga bagay na tamad, magastos, burara, magulo at walang plano sa buhay. Sila rin iyong mahilig umasa sa biyaya ng iba at walang initiative or ayaw nang ihakbang ang paa pasulong. Nabaon na sa nakasanayang pananaw at ayaw na ng pagbabago. Ayaw nang matuto dahil ayaw nang mahirapan. Ayaw na ring umibig dahil ayaw na ring masaktan. Sa kabilang banda, ang "matiyagang paghihintay" ay ang pinakamahirap na gawin pero ang pinakamagaling at ang pinakamapalad. Ito iyong klase na may nakahandang mga hakbang bago sumabak sa isang proyekto. Sila din iyong napupuyat sa gabi pero buhay na buhay sa umaga. Kabilang din dito ang mga mahilig mag-isip ng paraan kung paano pa-simplehin ang isang komplikadong proseso. Mahirap ding matutunan ang ganitong klase ng paghihintay. Para sa akin, ito ay isa ring "Art" at masasabi ko ring isang "skill" na kailangan ng practice at passion. Pero linawin nating ang bagay na ito. Hindi ibig sabihin na kapag marunong kang maghintay ay magiging mapalad ka na. Kasi ang iba ay napipilitan lang maghintay. Ang iba naman ay nakikisama lang. Hindi ito kabilang sa tunay at matiyagang paghihintay. Ang genuine ay iyong sa gitna ng paghihintay ay gumagawa ng paraan para maging makabuluhan ang oras ng paghihintay. Doon kasi nabubuo ang mga idea na hindi kayang isipin kapag hindi naghihintay. Handa ka na bang maghintay? Simulan sa isip at ilagay nang mabuti sa iyong puso at makakamit mo ang tagumpay. © 2010 Lex Von Sumayo
0 Comments
|
AuthorLex writes because his head is always full. Titles
All
|