
Konting aya lang sa iyo ay sige ka kaagad. Gagawa ng mga bagay na pagsisisihan mo sa huli. Bibili ng isang bagay na hindi naman kailangan para mapasaya lang ang mga mata. Naipit ka lang naman sa mundo ng mga choices. Tandaan mo, hindi ka pa rin desperado.
Dahil sa nasa gitna ka ng isang stiwasyon, banat ka lang nang banat kahit na makasakit dahil ang sabi mo ay mas masakit talaga pag naiipit. Daig pa ang isang patak ng kalamansi sa isang maliit na sugat. Sasabay ka rin sa tulak ng iyong bibig at gagamitin mo lang para sa iyong paghihiganti.
Hindi ko alam kung habang naiipit ba ay naiipit din ang utak at hindi ka na makapag-isip ng derecho. Minsan naman ay weird na ang lumalabas sa bibig at katawan mo. May mga bago ka ng “wordings” sa mga bagay-bagay at habang manhid pa ang balat ay magpapa-tattoo ka. Sa iba ay matatawag na Art ang tattoo at puede rin itong maging isang expression, sign ng insecurities o isang defense mechanism. Naipit ka lang at namanhid ang balat mo, tao ka pa rin na may pagpapahalaga sa katawan mo.
Naputol ang isang daliri ng buhay mo dahil alam mo naman na sa konting maling desisyon ay puede kang maipit sa isang habam-buhay na trapik. Puro ingay, sigawan at mga walang linaw na diskusyon ang papasok sa utak mo. Kaya sa likod ng mga mura at matatalas na salita ay ang sense ng “let it flow”. Kasi pag sinabayan mo ang panunood ng drama sa TV at ang pagkain ng popcorn or crispy chips ay hindi mo maiintindihan ang bawat salaysay o dialogues nila. Naipit ka lang sa sikip sa dibdib, hindi ka illiterate para hindi mo malaman ang logic ng isang tanga.
Nasugatan nang bahagya ang iyong pagkatao dahil pasara na ang pinto ng elevator ay humabol ka pa rin para makapasok. Nasa loob ka nga ngunit may gasgas naman ang kunsensya at puno ng kabog ang dibdib. Pinagpawisan ka at mangangamoy tapos tatayo ka kasama ang mga relax at pusturang mga tao. Iba ang magiging tingin nila sa iyo. Kadalasan, ang mga naiipit ay yung mga nagmamadali at walang pamantayan sa oras. Walk, don’t Run!
Hindi ka makalakad nang maayos dahil nagkamali ng tapak ang iyong isang paa. Sa konting miscalculation habang tumatakbo, tumatalon o simpleng pagkakasilat ay maaaring maipit ang ugat. Hindi sapat ang paghahanda o pag-iingat para tuluyang makalayo o makaiwas sa sprain. Dapat ay may tamang technique at sistemang uukol sa iyo. Sa isang karaniwang tao, diskarte lang para mabuhay sa mundo. Konting kayod o sobrang kayod lang ang iboboto mo sa iyong sariling eleksyon. Pero pag naipitan ng ugat, hilot lang ang katapat. Papahiran ng oil para madaling ipantay ang nabaluktot na ugat at huwag mong babasain dahil ito raw ay mamamaga. Ang mga naiipitan ay pansamantalang babagal ngunit uusad pa rin patungo sa napiling daan.
Kinagat ka dahil mapula ka na parang hotdog at inipit sa dalawang pirasong tinapay. Hindi sa lahat ng pagkakataon ay makakaalis ka sa pagkakaipit mo. Sa sobrang saya mo ay hindi mo malalaman na tinatabunan ka na ng tinapay ng buhay at wala ka nang magagawa pa. Maghanda ka na lang sa kumukulong asido ng tiyan at huwag kang mag-alala, magiging sweet ka naman muna dahil sa Coke na pinantulak sa iyo sa itaas bago ka bumaba dun sa impierno. Ang resulta, ikaw ay matutunaw at magiging shit o tae. Malinaw lang talaga na nagiging tae ang naiipit. Subway, 7-Eleven, Smokeys, at Jolly Hotdog. Makakapili ka pa rin naman sa umpisa ngunit masakit pa rin sa simula at isang tae pa rin ang hahantungan mo.
Sumasabit na lang kahit puno na ang dyip. Pilit na isisiksik ang sarili kahit ano pa ang sabihin sa iyo. Kahit ipinagbawal na ito ay walang pagdadalawang-isip na gagawin pa rin basta lang makarating sa lugar ng peace of mind. At minsan ay mabubuo ang sangkatutak na ideya habang tinitingnan ang sumusulong na paligid sa biyahe.
Mas malayo ay mas maganda dahil maraming antisipasyon at maraming pansamantalang solusyon. Umaasa na tangayin ng malakas na hangin ang magulong pag-iisip. Hindi dapat bibitaw sa estribo dahil iyon na ang magiging katapusan ng lahat. Aayusin ang kapit ng dalawang kamay. Wala mang panakip sa maruming usok na binibuga ng sasakyan ay hindi dapat maantala sa planong paglayo. Biyahe mo ito. Yan ang biyahe ng isang taong nasaktan at nabigo.
At talagang sumasabit ang naiipit.
© 2010 Lex Von Sumayo