![]() correct me if I'm wrong May mga pagkakataon talaga na puedeng masubukan ang kakayahan ng sarili ito man ay sa pag-ibig, pagtitiwala at pakikipagkaibigan. Simple lang naman ang gusto ng karamihan - yung madali lang pero masaya. Laging umaayaw sa kumplikado, malungkot at mahabang paghihintay. Sa kabila ng pagiging tama ay hindi rin maiwasan ang magkaroon ng konting gasgas ang makinis na buhay. Alam namang mali na ang papasukin ay itutuloy pa rin ang lakad at magiging interesado pa na ito’y tumbukin. Pinipilit makita ang puting kulay sa likod ng matingkad na itim. Gustong masilayan ang buwan sa tanghaling tapat. At nagbabaka-sakaling makaramdam ng lamig sa panahon ng tag-init. Ang hindi ko lang maintindihan ay kung bakit ang mga nagkakamali at ang mga may problema ang mas laging napapansin. Kahit saan ito tingnan at pakinggan. Mas naririnig talaga ang sintunadong nota sa isang awit ngunit hindi napapansin ang mga tamang tunog at mahuhusay na pagbigkas. Ang mga may nagawang kalokohan ay halos nakaukit na sa isipan ng lipunan. Sa aking palagay ay “minsan” lang kasi dumarating ang mali. Kaya hinuhusto ang pagnamnam at pagkubli nito. Ang minsang pagkakamali ay mas masarap, nakakaaliw at hindi nakakasawang tikman. Ang minsang pagkakataon ay maaaring makapagdulot din ng walang hanggang kaligayahan o pirmeng bagay na pagsisisihan. Ngunit puede ring matandaan at maalala nang todo sa minsang paglihis sa katotohanan. Sadya bang madali ang magkamali at sadyang mahirap na gawin ang tama? Sa normal na sistema ng edukasyon o pag-aaral ng isang bagay ay laging nagsisimula sa lupon ng kamalian na sa kalaunan ay tuluyan ding maiintindihan at masasanay na rin sa gawaing tama. Pero kung mapapansin mo ay sadyang malungkot ang buhay ng ilan kapag puro tama ang nakakamtan. Wala nang gagawing pagsisikap katulad ng mga pinanganak na hindi na kailangang dumaan sa paghihikahos para mabuhay. Kaya mataas ang posibilidad na sumubok pa rin ng mali ang ilang nilalang na nasanay sa bilugang tama. Katulad ng langit sa lupa, bahagi na ng buhay ang pagkakamali. Sa bawat mali ay may katumbas na tama. Sa agos ng tama ay may nasusungkit pa ring mali. Magiging tama naman ang mali kapag mayroon ka ritong natutunan at tunay na naiwasto ang mga nabakling pananaw. Kaya kapag dumadaloy ang alak sa lalamunan, lagi sanang may tamang mali. Tamang mali. Tamang mali. © 2011 Lex Von Sumayo
1 Comment
|
AuthorLex writes because his head is always full. Titles
All
|