![]() gamitan Kahit saan tingnan, kailangan ang kaibigan. Sa mabuti o masamang sitwasyon, laging may ibang tao bukod sa mga kamag-anak, kapatid at mga magulang. Di nga alam minsan kung paano umusbong ang friendship. Kalaro lang sa patintero o single ngunit naging best friends for life. Kakampi lang sa football (pinoy version) at shato, then aabot sa punto na dun na kumakain at nagpapalipas ng hapon para may merienda at matatanaw ang set ng encyclopedia sa bookshelf na mababasa at mahihiram kapag may mga homeworks at assignments. May kaibigan din na nagpakilala ng isang tao na magiging asawa o magiging partner for life ng isang nilalang. May ilan naman na nasira at napariwara ang buhay dahil sa bad influence ng mga kaibigan. Maraming ganyan, hanggang ngayon. Masamang kaibigan ay katumbas ng masamang buhay sa hinaharap. Kaibigan na kailangan lang kapag may kailangan. Kaibigan na iiyakan at uutangan na wala nang bayaran. Kaibigan na mahihingan ng payo na walang bayad pero libre pa sa accommodation kapag naglayas sa bahay dahil nakipag-away sa nanay at tatay. May agahan din at pancit canton at shower na courtesy ng mabuti at walang choice na kaibigan. Ang maging hospitable kahit ilang araw lang ay sukatan na matibay na samahan, huwag lang dalasan. Kaibigan na nauuwi sa ibang pagtitinginan at sa paglaon ay nade-develop into something na maayos na output at minsan naman ay nagiging worst o pangit sa paningin ng iba. Sinusulot ng kaibigan ang pag-ibig ng isang walang muwang na kaibigan. Hahanapin at dudulugan ng tulong at sasamantalahin ang kabutihang-palad na lalampas na sa loob ng damit ng bawal na pag-ibig. Kaibigang matalik na nakikipagtalik kapag nakatalikod ang kaibigan. Hindi lang ipot kundi isang baldeng tae na sinaklob sa buong ulo ng isang kaibigan. Ang tunay na kaibigan na makakapagsabi ng tunay na amoy ng hininga. Kailangang humanap ng toothpaste na hahalili sa alat na namuo dahil sa hindi pagsasalita. Sadyang kailangang may makapagsabi pa na mali ang kasalukuyang ginagawa bago ito itigil. Kaibigan lang ang gagawa nun, ang pagbatok sa nasisirang ulo o kukote para sa pagtino at pag-usad sa maayos na daraanan. Masarap ding maging kaibigan ang mga kadugo. Kapatid, pinsan, lola at ang nanay at tatay. Kapag bata ay hindi pa ito mararamdaman pero sa pagtanda at sa pagkamulat ay magiging kaibigan na walang katulad sa mundo. Kadugo na, kaibigan pa. Turuan ang tatay na mag-upload ng pictures sa FB na gamit ang Album Option hindi iyong paisa-isa sa wall. Ang paggamit ng Skype Video calls, pakipindot ang Video On kasi naririnig lang ngunit hindi naman nakikita. Kailangan ang kaibigan. Iyon din ang silbi ng bawat isa sa mundo, ang maging isang kaibigan. Ngunit kapag sobrang ginamit, masisira at mananawa. Kapag hindi naman ginamit o pinansin, maluluma din, titigas, magiging pulbos at mawawala at minsa’y mapapariwara. Alagaan ang kaibigan at gamitin lang paminsan-minsan. © 2012 Lex Von Sumayo
0 Comments
|
AuthorLex writes because his head is always full. Titles
All
|