![]() matagal na inasam Ang haba ng panahon na kasama mo ang isang tao, bagay o hayop ay katumbas ng pagiging matibay, mahusay, magaling at maaasahan. Dito rin tayo kumukuha ng dahilan upang ibigay natin sa isang pagkakataon ang natatanging tiwala. Mabilis ang pagpalit ng oras ngayon. Kakatapos pa lang ng isang kuwento ay mayroon na kaagad itong kasunod. Katulad nga ng isang kidlat ngunit saglit lang din sa paningin. Relasyon sa tao. Sa musikang nauuso. Sa mga teknolohiyang walang humpay sa paglibang sa mundo. Lahat ng ito ay dapat na sinusukat pero minsan ay masyado tayong natataranta at hindi na natin ito naaalagaan at napapag-aralan at basta na lang tayo tatalon sa ilog na punung-puno ng pagpipilian para palitan ang kasalukuyan. Ilan lang ang kakilala kong sinusulit ang paggamit sa isang pagkakataon. Kadalasan ay sila iyong maingat at masusing sinisipat ang bawat angulo ng mali at tama. At tunay ngang nagtatanong kung saan nagmula at ano, saan at kailan ang magiging hangganan. Gaano na katagal na ito sa iyo? Ito ang madalas na itanong sa atin ito man ay sa relasyon o sa isang bagay na ating pag-aari. Wala kang magiging alinlangan at talagang masusukat dito ang kahusayan at kalidad. Ang aking gitara na Yamaha C40 ay 6 na taon ko nang kinakalabit. Sa simula pa lang ay pinagtiyagaan ko nang piliin ang babagay sa aking mga kamay kaya nagdulot ito ng matagal na pag-ayon sa sistema sa mga sumunod na taon. Naging batayan na ang standard ng Yamaha sa pagpili ko ng classical guitar. Ang ginagamit kong laptop na Fujitsu-Siemens Amilo Pro ay 4 na taon na sa akin at halos nabura na ang kulay. Ibang klase talaga kapag pinagsama mo ang disiplina ng Japan at ang tibay ng Germany. Simple ngunit mabigat ang teknolohiya ng kompanyang ito. Subok na subok na sa palagay ko. Binigyan ako ng tatay ko ng dslr camera na Nikon D40 noong 2008. Sa ngayon ay mayroon na itong 41,000 actuations o shutter releases at hindi pa ito nag-lag. Binasa ko ng halos isang taon ang specs, reviews, ang cons at pros ng modelo na ito at sa tingin ko ay hindi ko nagkamali sa tagal kong pagpili. Sa musika ay mayroon tayong tinatawag na classic. Ano ba ang mga classic? Ang classic songs ay ang mga lumang tugtugin na kapag pinakinggan mo ngayon ay parang bago pa rin. Mabilis man o matagal ang pagkakalikha sa mga ito pero bakit mayroon itong katangiang nagtatagal? Isipin mo ang ginugol nilang panahon sa paghahanap ng impluwensiya, ang pagiging metikuloso at ang hindi pag-iisip ng “fame” or popularidad ang mga bagay na kailangan sa paggawa ng isang classic hit. Hindi nagmamadali at hindi rin nagpapahuli. Naging maingat lang sa pagpili ng titik at nota kaya ang resultang kanta ay parang isang bisyo na hindi basta nakakalimutan. Ano ba ang mas nagtatagal? Sa aking karanasan ay santambak ang mga ganitong bagay at masasabi kong inaral at inalagaan nang husto. Ang mga kaibigan ko noon ay halos kaibigan ko pa rin hanggang ngayon. Ang aking pamilya ay sadyang puno pa rin ng pagmamahalan sa bawat isa. Ang aking kabiyak ay siya pa ring katapat ng aking puso’t isipan. Ang mas nagtatagal ay yung may pusong marunong magpatawad at may tunay na pagtingin sa katauhan. May ilan akong mga kaibigan na sinadya ko na lang saktan at kalimutan dahil iyon ay kabilang na sa mga bagay na hindi na pinagtatagal. Puede kang mamili. Lumugar ka sa mas tama kahit na ito’y magdudulot ng sigalot o komplikasyon sa mundo. Sa kabilang banda ay mayroong talagang katotohanan ang linyang --- ang mga bagay na madaling nakuha ay madali ring mawawala. Sumabay ka sa mundo at matuto. Huwag mainip at huwag malito. Ang mabagal na paggamit, kung magkamali ay malimit. © 2011 Lex Von Sumayo
0 Comments
Your comment will be posted after it is approved.
Leave a Reply. |
AuthorLex writes because his head is always full. Titles
All
|