
(1) Nakasalubong ko iyong kaibigan ko minsan diyan sa abangan ng dyip sa hulo. Body fit ang shirt na suot nya. Halos mamutok-mutok na nga. “ "Ganda naman ng kulay ng damit mo ah…”, ang sabi ko. Pero hindi naman talaga iyon ang nasa isip ko.
(2) Tumawag ang isa sa tropa at nag-aayang uminom. “ Pards, may ginagawa ako eh…” ang sabi ko. Pero hindi naman talaga iyon ang nasa isip ko. Pagkababa ng phone, ‘yun at wala pang 5 minuto ay nakatulog na ako.
(3) Napadaan minsan sa 7-Eleven para bumili ng apple juice at yogurt. Tanaw ko ang mga naka-salansan na chocolates at ilang sweets habang nakapila. Medyo hilig ko ang mga iyon. Apple juice at yogurt? Hindi naman talaga iyon ang nasa isip ko. Magkikita ulit tayo my dear chocolate. Medyo masama lang tiyan ko ngayon.
(4) “Ang galing nung napanood kong pelikula ni Tom Cruise. Parang tunay ang mga special effects. Yung mga sabog at barilan – panalo! ”. Bilib naman itong kaibigan ko kaagad sa kuwento ko. Ngunit hindi naman talaga iyon ang nasa isip ko. Nai-kuwento lang naman ng kuya ko iyon sa akin at nagbasa lang ako ng ilang movie reviews sa magazine.
(5) Marami akong nakain kaninang lunch. Sarap kasi nung tortang talong ni Manang. Busog-busog talaga ako. Kasama ko ang tropa noong panahon na iyon. Nagpaalam ako na “iihi” lang sandali. Pero hindi naman talaga iyon ang nasa isip ko. Habang naglalakad papuntang CR ay nau-utot ako. Sana ay may tissue sa loob.
(6) “Pards, ang baduy naman nung pinapakinggan ni Lino. Nadinig ko sa bahay nila iyong mga kanta ni Yoyoy Villame….”, sabi ng kaibigan kong hippie. “ Ahh ganun ba? Baduy talaga iyang si Lino…”, sagot ko naman. Hindi naman talaga iyon ang nasa isip ko. Kailan kaya ibabalik ni Lino ang CD ko na “Yoyoy Villame - Greatest Hits” ?
(7) Nakasalubong ko si Ma’am kanina dyan sa corridor, pagkatapos kong magbayad ng tuition. “Hello Ma’am, Good morning po…”, sabi ko na may todo-smile pa. Hindi naman talaga iyon ang nasa isip ko. Nagsa-summer ako dahil binagsak ako ng teacher na ito.
(8) Nagpunta ako sa bahay ng kaklase ko at sakto naman na nagka-kainan sila. “Kain na…”, sabi ng erpats niya. Sabi ko naman na busog pa ako. Hindi naman talaga iyon ang nasa isip ko. Tinawag ko yung kaklase ko at niyaya ko siya sa labas at kumain kami ng mami kina Manong. Nga pala , okra at ampalaya ang kinakain sa bahay ng kaklase ko nung time na iyon.
(9) Ayos, graduate na ng high school. College boy na! Anong course ba ang napili? During that time, my brother was into catching waves (seaman), well…sempre “big bucks”, maraming pasalubong na signature shirts at mga genuine audio CDs. So, kinuha kong course ang BSMT (pang-seaman). Natapos ko naman ng 3 years. Hindi naman talaga iyon ang nasa isip ko. First choice ko ang music and second ang aircraft mechanics. It took me 5 years bago natunton ang kurso na Bachelor of Music. And it took me 5 years more, para matapos ito.
(10) Interview for guitar teacher sa Dubai. Kaharap ang mga employer ko. Sempre, todo ingles, bulol at may konting accent pa iyon. Heto na po at pinapatugtog na ako sa guitar. Tinugtog ko ang napaka-simpleng arrangement ng “Ode to Joy” ni Beethoven. Hindi naman talaga iyon ang nasa isip ko. Pina-praktis ko nang husto ang “Tango en Skai” ni Dyens habang hinahantay ang turn ko for interview. Ako ang huli sa mga in-interview dahil na-late ako ng dating. And not knowing na ako pala ang pipiliin nila. At naririto na ako ngayon...
Ikaw, ano ba talaga ang nasa isip mo?
© 2006 Lex Von Sumayo