
Mahilig akong kumain ng "mami" dyan sa munting tindahan ni Mang Eliong noong ako'y nasa high school pa. Masarap ang chicken mami doon sabi ko sa iyo. Hindi ko na mabilang ang nilagi ko doon. Kahit na alam kong marami namang stock ng Maggi sa bahay, pilit pa rin akong pumupunta doon. 20 minuto na punung-puno ng alaala habang kinakain ang umuusok at masarap na mami.
Ganito rin sa tingin ko ang buhay... Parang mami... ngunit, paano mo ba kinakain ang mami?
Ang sabaw ay sa kutsara. Huwag mong ipilit ang sarili sa isang bagay na hindi naman talaga angkop sa iyo. Alam mo naman ang hangganan ng bawal na pag-ibig. Nalalasahan mo lang ang sabaw gamit ang tinidor ngunit hindi mo ito kailanman mahihigop.
Ang tinidor ay para sa noodles. Huwag mo nang pahirapan ang sarili sa pagkukunwari na ayos na ang pakiramdam matapos ang isang yugto ng iyong nabigong pag-ibig. Nakakain mo man ang noodles sa pamamagitan ng kutsara, hindi ito buo. Hinahati-hati mo ito. Iba pa rin ang pakiramdam ng buong pagmamahal. Pinapaikot mo ang noodles sa tinidor, at buo mo itong masusubo.
Paminta at patis. Hawak mo ang iyong buhay. At hawak mo rin ang lalagyan ng mga ito. Nasa sa iyo kung ano ang gusto mong lasa ng iyong mami.
Konting alat naman sa pagsasama ninyong dalawa...baka kasi tabangan ang isa sa inyo. Huwag kumilos na parang robot at huwag ding mag-isip na parang ikaw ay nasa Disneyland. Hindi sa lahat ng pagkakataon ay masaya ang kuwento. Tandaan mo na magkakaroon ng kakaibang pakiramdam 'pag may konting alat ang mami.
Tunay lang na mahahatsing ka sa sobrang paminta. Ganunpaman, ito ang nagpapaliyab at nagpapanatili ng magandang samahan. Ano ba ang nangyayari 'pag maanghang ang kinakain? Ginaganahan ka di ba? Napaparami ang kain at o-order ka ng isa pa...please? Tandaan mo ito --- ikaw ay gaganahan.
Masarap pag may kasamang tinapay na boling. Lagyan mo naman ng ibang galaw ang pagkain ng mami. Hindi iyong panay ang higop at kain lang ng noodles. Samahan ng saya ang iyong buhay. Huwag naman iyong masyadong seryoso. Iyan tuloy, nakalimutan mong mag-asawa. Iba ang pakiramdam pag sina-sawsaw mo ang tinapay sa mainit na sabaw.
Ang sabaw ng mami. Ooops! Mainit. Huwag basta-basta babanat. Tandaan mo, mainit ang sabaw. Sige, langhapin lahat at pagkatapos ay hipan mo muna ha? Baka ikaw ay mapaso. Kitang-kita mo naman ang usok, hindi mo sana dapat pa pinasok ang gulong iyan. Sa kabutihang palad ay natuto ka naman. Naramdaman mo man ang init at ang hapdi, magiging manhid ka naman sa mga kahawig na pagkakataon na darating sa iyong buhay. Patingin nga ng dila?
Ang mangkok sa huling hirit. Kalimutan ang kutsara't tinidor. Ang pinakamasarap na bahagi sa pagkain ng mami ay iyong huling higop gamit ang dalawang kamay sa paghawak ng mangkok patungo sa bibig. Hanggang sa dulo, hanggang sa pinakahuling patak. Huwag aksayahin ang mga bagay sa paligid. Ito man ay tungkol sa iyong mga pagkakataon o tungkol sa mga tinatanggap na pagmamahal. Sagarin ang pagmamahal, huwag magtitira ng sabaw sa mangkok. Namnamin ang bawat minuto na kayo ay magkasama, huwag pakitaan ng anumang pagsisisi at pag-aalinlangan.
Isang basong tubig. Makalipas ang 20 minuto, ito ang iyong huling gagawin. Inumin ang isang basong tubig na galing sa tapayan. Busog ka na at may dighay ka pa. Anuman ang mga pagsubok mo sa buhay, ang lahat ng iyon ay may hangganan at may katapusan. Parang mami lang yan. Yakang-yaka.
" Mang Eliong, eto po ang aking bayad."
© 2006 Lex Von Sumayo