
Ang utak ay ganun din. Kapag nilalagyan natin ng maling inpormasyon, maaaring mabura na ang kinagisnang tama. Pero dahil matalino ang gumawa ng utak natin, pantay pa rin sa palagay ko ang ugnayan ng tama at mali sa ating isipan. Alisin na kasi ang pagiging malungkot, palitan na kaagad ng masaya at kuntentong pamumuhay. Ang masaya at kuntentong pamumuhay ay iyong may sapat na tamang pag-iisip. Nasa lugar at nasa tamang panahon.
Mawala man ang iyong sinisinta ay may ipapalit pa rin ang mundo para dun. Hindi man ito isang nilalang na kawangis ng nakaraan, pupuwede din itong maging isang pagkakataon na makakapagpa-angat ng iyong estado. Ganun naman kadalasan ang nangyayari, kapag tagumpay ang buhay, hindi minsan ayos ang pagsinta. Kung ayos naman ang pag-ibig, hindi naman sapat ang tagumpay sa buhay. Subukan mong alisin ang masamang bisyo, ang ipapalit dyan ay isang magandang kalusugan sa hinaharap. Simple lang kung tutuusin ang pag-unawa sa ganito, pinapahirap at pinapaikot lang nang iba. Binibigyan ng tamang paliwanag ang maling gawain.
Tatlong linggo na akong may ubo. Hindi pa rin umaalis sa aking lalamunan. Maraming naantala ngunit nagkaroon ako ng pagkakataon na suriin muli ang aking mga lumang areglo. Sa bawat piesa ay may ilang mali sa lokasyon ng kaliwang daliri at ilang simpleng pagkumpuni ng disenyo at pag-ayos ng distribusyon ng pahina. Pagkatapos ng ubo ay nariyan panigurado ang pagbabalik ng oras sa areglo. Umalis ka na sana--- pesteng ubo.
Hayaan lang ang daloy ng buhay. May darating lagi at patuloy ang pag-alis ng ibang bagay. Ito ang batas ng kalikasan para mapanatili ang balanse ng buhay sa mundo. Sa isang bagyo, laging asahan na aaraw muli. Kapag may gabi, may naghihintay laging umaga na masisinagan ang iyong mukha.
Umalis ka man ay sadyang may darating pa rin.
© 2012 Lex Von Sumayo