
Ako rin, nasa likod lagi. Sumayo ang apelyido ko kaya sa likod madalas pinapaupo. Pero nakikiusap ako kung puede ako sa harapan, kunwa’y malabo ang mata. Yun ang sabi ng nanay ko. Isa pa, kulang din ang height ko kaya medyo sapat na dahilan na yun. Payag naman ang mga naging guro ko. Mula sa mababang paaralan at halos hanggang sa kolehiyo, ganun ang sitwasyon at nalulusutan naman.
Maingay sa likod. At nahandun na halos ang mga tamad, mga nangongopya pag exams, ang mga antukin at ang mga ayaw makinig kay prof. Pero siyempre, narun din ang mga matatangkad, wa silang choice, kasi isipin mo na lang kung sa harap sila uupo, alangan at sala sa paningin o wala sa ayos.
Pag medyo tinanghali ng gising, at may trapik sa Rizal Avenue, paniguradong sa likod ang uupuan at minsan, magtatangkang makalusot na hindi makita ni ma’am.
Ikaw nasa likod ka rin ba?
KUWENTO #2
Kapag magbabayad, magtatanong o may bibilin—sa pila. Token sa LRT, sa department store, sa grocery, sa pagkuha ng NBI, sa pagsakay sa dyip pauwi, pagkuha ng health card, pag-verify sa NSO, pag magwi-withdraw sa bangko, follow-up ng transcript sa registrar at maging pagbili ng hotdog sa 7-eleven. Lagi akong nasa likod.
Madalang akong mauna sa pila. Pero ayos na rin kasi may pagkakataon ka pang makapagtanong dun sa tao sa harapan mo. Lalo na pag wala kang idea sa pinilahan o nagdadalwang-isip kung bibilin ang hawak o hindi. Swak! Pag nasa sa likod din, nalalaman mo kaagad kung tama ba ang pinilahan mo, para di ma-elads.. Ganun lang, magmasid-masid muna, he he he. Doon sa likod.
Ilang galon ba iyang nainum mong beer? Ihing-ihi na ako. Kanina pa ako dito sa likod mo.
KUWENTO #3
Ako, kanina lang puro likod ang nakita ko (December 25, 2005). Pero siempre yung likod ko, tanaw rin nila. Grabe ang misa sa simbahan dito sa Dubai. Sa St. Mary’s, ang daming tao, parang rally, parang Edsa Revolution. 10 minuto mahigit bago ka makalabas ng compound. Puro likod. Hindi namin akalain na “Indian Mass” pala yun. Kaya madaling makilala ang mga kasama kong Pinoy. Sa likod nila, yung buhok ay hindi kulot. Ang mga Indian kasi, kulot at itim na itim. Saka yung amoy nila sempre, pagpasensiyahan na lang.
Kahit hindi nakaharap ang mga kasama ko, kilala ko ang likod nila. Mabuti na lang at nasa likuran ako, kasi nalalaman ko kung nasaan sila, hindi magkakawalaan. Ganun lang. Puro likod talaga. Tama ba yun?
Kilala mo ba yung nasa likod mo? Malamang na hindi.
KUWENTO #4
Pag bibili ako ng pagkain, lalu na pag sitserya tulad ng chippy, Pringles, Magnolia Chocolait o kahit ano, malamang na binabasa ko pa ang mga bagay-bagay sa likuran nun. Kung anung mga nutrition facts, ingredients, company name, ganun. Kaya, matapos malaman ang mga ganung bagay, sige, bibilin ko na iyon! Oops, pati nga pala ang instruction sa pagluluto ng pancit canton at paminsan-minsan, may free na recipe sa likod ng century tuna. Ayos! Wala sa harap, nasa likod lagi iyon.
Pag bibili rin ng mga mp3 players, DVD players, laptops, cellular phones, CDs or DVDs, lagi na lang tumitingin ako sa likod ng kahon nito. Kung ano ang features, kung saan gawa (kadalasan naman ay made in China at pag made in Japan---panalo!) at kung ano ang description ng movie or games na nabili. Lahat sa likod nakasulat.
Importante na mabasa ko muna ang nasa likod ng mga bibilin ko, para sigurado at hindi magsisisi sa huli. Huwag tumingin masyado sa harapan, sa likod nakasulat ang mga dapat basahin.
Ikaw, nagbabasa ka ba muna ng mga nakasulat sa likod?
KUWENTO #5
Nag-iikot kami minsan sa isang mall dito sa Dubai, to be exact sa Carrefore, City Centre. Naghiwa-hiwalay kasi iba-iba naman ang trip naming tingnan. Yung iba sa pagkain, ako sa mga electronics. Pucha, ang naging prublema lang ay paano ko sila makikita, eh nagkataon ba naman na wala akong load sa mobile ko. Buti na lang ay nakasuot ng jersey itong kasama ko, kaya no doubt na nakita ko kaagad siya. Kasi di ba, yung apelyido ang nakasulat sa likod.
Sa sports, importante ang nakasulat sa likod ng mga uniform or gears ng mga players. Nakasulat nang malaki ang numbers at apelyido. Nakakita ka na ba ng apelyido na nakasulat sa harap? Kadalasan sa likod nakasulat, kahit nga yung referee may ganun din. Exempted lang si Tito Varela dun sa PBA, kahit hindi ka na tumingin sa likod o sa harap, kilala mo na siya kasi kalbo iyon eh!
Ano kaya ang feeling ng mga nagsusuot ng jersey ng mga sikat na players? Uy, alam mo kaagad pag si Jordan kasi number 23 at Jaworski naman kasi number 7. Kaya, yung iba, feeling Jordan sila, pero hindi naman. Tapos pag Jaworski ay nakakatakot guwardiyahan baka kasi sikuhin o hawiin ka. Pag sinuot mo naman yung sarili mong jersey na may number o yung apelyido mo, feeling magaling ka naman. Ingat lang din sa pagsusuot lalo na mga shirts na may nakalagay na POLICE o FBI sa likod. Who knows, baka mayari ka pa, mapagkamalan ba.
KUWENTO #6
Ang haba na ng buhok ko, pagupit na ako. Pagkatapos magupitan, yung likod lagi ang gustong makita, request pa ng salamin. Kung anu nga naman ang hindi nakikita, yun ang dapat laging siguradong nasa ayos. Tapos minsan, lagi tayong nagtatanong pagkatayo sa isang upuan ng “marumi ba yung puwitan ko?” o pagkasandal ay “marumi ba yung likod ko?”, ganun lagi.
Ang isang masarap sa likod naman ay pag minamasahe na ito. At ang pinakaayaw ko at nakakairita ay pag binatukan ka naman. Pag kinakalabit ka o sinungayan pag may picture taking, pag hinampas ng paddle sa frat. At ang laging parusa ni Nanay pag may nagawang hindi maganda—ang palo sa puwitan ng sinturon o patpat. Sa likod, hindi mo alam kung kailan o kung paano ang mga mangyayari. Sa likod lagi iyon, hindi sa harap.
Pero ang pinakamasarap sa lahat sa likod ay iyong kamutin mo ito.
KUWENTO #7
Pupunta si nanay sa palengke, sama kaya ako? Eh ang kaso hindi ako pinayagan. Ang style ko, susundan ko si nanay. Hindi alam ni nanay na nasa likuran nya ako kaya ganun, pag nalaman nya, mapipilitan na nya akong isama. Iyon nga lang, may kapalit na pingot sa tainga yun! Atleast nakasama pa rin, he he he.
Si Beth, ang childhood crush ko, siguro mga grade 4 pa ako nun. Lagi ko siyang sinusundan pag nagbibisekleta yun. Sempre sa likod lagi ako, para hindi halata na sinusundan ko siya, pag tumingin siya eh, focus kaagad sa bike ko kunwari! Para akong aso na sumusunod kahit saan magpunta! Ganun din naman ang alaga kong kambing, panay ang sunod nun sa akin, sinusuwag ako madalas sa likod ko, sa puwitan ko!
Pag may mga politiko o mga VIP na tao, laging may convoy sa likuran yan at bodyguards. Ang mga ambulansya o mga pulis, marami sa likuran para makasiguro sa kaligtasan ng mga tao sa harapan. Kahit ako rin, pag may kasama ako paglalakad sa kalsada, lalu na pag babae o nanay ko, lagi kong sasabihin, “after you…”. Respeto ang ibig sabihin pag nasa likuran ka at sempre tanda iyon ng paggalang.
Sinu-sino ba ang mga nasa likuran nina Enrile at Ramos nung Edsa Revolution?
KUWENTO #8
Uy, showing na ang pelikula ni Mel Gibson, nood naman tayo. Maraming tao sa baba, sa taas na lang tayo. May mga bakanteng upuan pa dito. Oops! As expected, puro partner-partner dito. Sa likuran, sa pinakalikod ang target place. Sempre, para makasimple ng yapos at halik. At dun din sempre lumulugar ang mga pirata na kumukuha ng mga bagong palabas gamit ang camcorder kaya tuloy minsan nakakakita ng mga tumatayo o mga ulo sa mga nabili kong VCD o DVD. Sa likuran kadalasan nagaganap ang mga ilang kalokohan natin di ba? Pero sa bus o sa dyip, hindi ako lumilikod o sa estribo nauupo, sa harapan lagi ako. Kasi ang mga hinahablutan at hino-holdap ay yung mga nasa likuran kadalasan.
Sa Space Shuttle sa Enchanted Kingdom, mas nakakahilo pag sa pinakalikod ka naupo. Pero ang biyahe sa FX papuntang Monumento--- the best sa likuran! Kasi hindi masyadong masikip. Pag sa LRT, sa harapan at sa gitna ay masikip, at sa likuran naman, 75% ang chances na makakasakay kasi maluwag. At pag nagmamadali, kahit na delikado, sasabit na lang sa likuran ng dyip. Sigurado namang may bababa na pasahero sa bayan kaya okey lang.
Ang mga loyal fans ng Barangay Ginebra ay nauupo at lumulugar sa likuran. Naroon ang mga Cheering Pang-asar Squad at yung mga nambabato ng baryang piso, pag sa palagay nila ay nagkakadayaan na.
Naku! Andyan na si Ma’am, upo tayong madali sa likod! Pucha baka tawagin ako nun, hindi ako nag-review.
KUWENTO #9
Madalas ang mga aksidente sa daan dito sa Dubai. Panay banggaan ng mga sasakyan. As usual, pag may banggaan, lagi ang nasa likod ang may kasalanan at ang mananagot. Ang madalas na kumikitil sa buhay ay ang mga bagay sa likod natin. Nagkaroon ng stampede minsan noong Ramadan dito, maraming tao na galing sa pagsamba. May sumigaw na may bomba! Iyon, takbuhan lahat, tulakan. Hindi alam kung sino ang tumulak sa mga likod nila. Hanggang sa matuwad, matapakan ng libu-libong beses, hanggang sa hindi na makahinga at tuluyan nang namatay. Puro bata at babae ang hindi pinalad na makaligtas dun. Huh.
Mabali na ang ilang buto mo sa katawan, wag lang ang buto sa likuran o yung spine natin. Tapos ka! Lumpo na kaagad at mapa-paralisa. Kahit nga iyong tapik lang sa likod ay sobrang sakit, yun pa kayang mabalian ng buto sa likod.
Isang bambo na malakas sa batok--- tulog! Isang sipa sa likod ng tuhod--- tumba! At isang palo ni Nanay sa puwet--- magtanda ka!
Kaya pakiusap lang, wala pong tulakan sa likod.
KUWENTO #10
“Hindi na tayo puedeng magkita, alam na nina Mommy ang relasyon natin--- maghiwalay na tayo! “, sabay talikod ng babae kay Juan. Ang pagtalikod ay isang paraan kung paano tapusin ang isang bagay. Kaya ganun, habang dumurugo ang puso ni Juan the lover boy, ang tanging tanaw lang niya ay ang likuran ng babaeng pinakamamahal ngunit mabilis na lumalakad palayo sa kanya. Ang sakit nun.
Isang araw, natanaw ni Juan sa likuran ng isang taxi ang dating kasintahan. Oops! May kasamang iba! Akala ko ba naman ay mahigpit ang parents kaya sila nag-break? Huh, asar- talo si Juan. Ang sarap batuhin nga naman ng likuran nung taxi.
Sa paghingi ng tawad, sa pagpigil ng galit, ang pagpapasensya at pagmamakaawa, sa likod lagi ang punta o ang dapat hawakan.
Ilang beses na ako nakasama sa paglalakad pag may ililibing. Sa likod ng karo, andun ang mga mahal sa buhay ng namatay. Sa bawat hakbang ay may luha na tumutulo at hinihiling na malayo pa sana ang sementeryo para makapiling pa kahit sandali. Kita ko sa likod ang bawat anggulo ng lungkot at ang ilang bahagi ng pagsisisi. Ganun lang.
Ang huli kong natanaw bago ako pumasok sa airport papuntang Dubai ay ang likuran ng dyip na sinakyan ng mga naghatid sa akin. Nakakalungkot. Nakakaiyak.
Kahit na masakit, pilit pa ring tinitingnan ang likuran ng mga bagay-bagay at pagkakataon na minsang inilayo sa akin ngunit nagbibigay naman ito ng pag-asa.
KUWENTO #11
Isang buwan na ata akong hindi nakakapaglinis ng kuwarto ko, makapaglinis nga. Medyo sinipag ako kaya pati likod ng cabinet ko, lilinisin ko. Ang daming dumi. Sa paglilinis ay nakakita ko ang papel na nakasiksik at puno na ng alikabok. Uy, telephone number ng kaibigan ko ang nakasulat. Matagal ko nang hinahanap ito ah, narito lang pala. Matawagan nga at alamin kung buhay pa ito.
Ang mga nasa likod talaga, kung hindi mo papansinin o bibigyan ng panahon, hindi mo malalaman ang halaga nito. Parang yung kaibigan ko na hindi masyadong iniintindi ang wallet sa bulsa niya sa likod, kaya iyon… nadukutan. Nahandun pa naman yung driver’s license nya, yung ID sa school, ilang resibo, registration card at maging yung pictures ng ex-girlfriend nya. Ako nga, kahit backpack ang tawag sa bag ko, madalas ko itong pinupuwesto na harapan ko kung saan makikita ko nang maige. Mahirap na.
Kaya wag ding balewalain ang mga bagay na nakasulat sa likod ng mga truck: Distancia Amigo, Caution: Right Hand Drive. At mga kotse na may nakasulat na “Baby on Board”. At maging yung mga company vehicles na may nakasulat na: “How’s My Driving?”. Pero okey na i-ignore ang ilang nakasulat sa likod ng ilang public jeep tulad ng “Katas ng Saudi”, “Basta driver…Sweet Lover”, “Sakay na Sexy” atbp.
Madalas ko ring makita sa ilang sasakyan ang sticker ng “El Shaddai”. Naalala ko tuloy si Brother Mike, na sabi nila na sa likod ng taong ito ay ang magagarang sasakyan at mga mala-palasyong tahanan. Nasalo mo ba ang panyo ng El Shaddai na inihinahagis mula sa stage? Malas mo lang kung nasa likod ka, hindi ka makakaagaw. He he he.
KUWENTO #12
Nag-work ako minsan sa ABS-CBN bilang isang gitarista sa isang soap opera, ang Recuerdo de Amor. Ang scene ay ganito, nanghaharana si Dante Rivero nun, habang kumakanta siya at may hawak na gitara. Ngunit di naman talaga siya ang tumutugtog. Kunwari lang siya at ako ang narun sa likod niya (pero hindi kita sa camera), ang tumutugtog. Doon ko nalaman kung gaano ka-importante ang tao sa likod ng isang production, lalo na pag mga ganun. Ang mga cameramen, lightmen, mga P.A. at sempre, si Direk. Sa likod ng isang matagumpay na pelikula ay ang matiyaga at magagaling na staff. Kaya nga kahit konti lang ang naitulong mo sa pelikula o sa isang production, isasama ka pa rin sa end credits.
Sa likod daw ng isang matagumpay na lalaki ay isang babae… Ewan ko lang kay Ferdinand Marcos o kay Mike Arroyo kung ganoon nga ang sa kanila. Parang yung kaibigan ng kaibigan ko, sobrang yabang nun! Lagi niya kasing kasama yung girlfriend nyang pamangkin ni Mayor Atienza. Ganun talaga minsan. Tumatapang, yumayabang, nakakalimot, nagiging suplada at feeling pogi ang isang tao pag nasa likod ng isang kilalang artista, sikat na manlalaro, hepe ng pulisya or major sa army o makapangyarihan sa pulitika.
Ikaw, sino ba ang nasa likod mo at ang angas-angas mo?
KUWENTO #13
Madalas akong makinig sa radyo, AM o FM. Curious kasi ako sa boses ng mga DJ. Sino kaya ang tao sa likod ng mga sexy at mga machong boses? Kadalasan ay sablay ang hitsura--- matataba, mukhang boksingero, ganun. Pero puhunan lang naman talaga ang boses sa ganung profession, kaya okey lang.
Kahit sa mga cartoons. Ang nagda-dub pala sa boses ni Bart Simpson ay isang babae. Si Tom Hanks naman ang kay Woody sa Toy Story. Kahit yung mga unang pelikula ni Joyce Jimenez, Alice Dixon at Kris Aquino, hindi nila boses yun. Yung mga artista na kumakanta sa show ni German Moreno na kadalasang lip sync, hindi nila boses yun! Kilala mo ba ang Milli Vanilli? He he he.
Mapanlinlang talaga ang mga nasa likod ng mga bagay-bagay. Parang puppet show. Parang si Arturo na co-teacher ko dati, ang laki-laki at ang macho-macho ng boses, bading pala! Si Arnie rin na napagkamalan ni Dr. Feliciano (dating dean namin sa college of music) na babae kasi nakatalikod habang nagpi-piano. At sempre para ring padding sa likod ng bra ni Susan.
KUWENTO #14
Sa kalagitnaan ng panonood ng sine, bigla ba namang nag-brown-out! Huh, lagi na lang ganun, may balat ata ko sa puwet. Bakit ang balat sa puwet ang malas? Eh iyong balat sa braso, sa batok, sa binti? Ang puwet, sa pagkaka-design ng Diyos Almighty sa atin, ito ay laging nasa likod. Kahit ang mga hayop din di ba?
Ang ilang mga mababaho at marurumi ay nasa likod. Mula sa utot hanggang sa ebak. Ang paborito ni Tekla the dyokla—ang anal sex. Ang pagsisiga ni Erpats ng basura ay sa likod-bahay namin. Ang mga hasang at bituka ng isda, pinagkainang hipon at alimasag ay ibinabaon ko rin dun. At maging ang aso kong si Barbie (10 years kong naging aso), inilibing ko rin dun. Sa Edsa, ang mga maiitim na usok ng sasakyan ay lumalabas sa tambutso na nasa likod din.
Ang mga mababaho, marurumi, napaglumaan, mga busted na bombilya, mga tsongke boys, mga ilang kilong sulat ng ex-GF at ang mga gustong tumakas, tulad nung magnanakaw na pumasok sa bahay namin na parang si James Bond ay dumaan din sempre--- sa likod-bahay namin.
KUWENTO #15
“Ba’t kaya ayaw akong ipasok ni coach?”, pucha binangko na naman ako, 4th quarter na at tambak naman ang kalaban. Huh, sa likod lang lagi ako ni coach at taga-tapik sa likod ng mga teammates ko pagkatapos ng time out. At pag natalo naman dahil sa hindi mo na-shoot ang free throw, si coach naman ay tatapikin ka sa likod. Pang-alis dismaya yun.
Parang semana santa, may mga nagpe-penitensya, pang-bawas kasalanan daw iyon. Panay likod ang pinapalo pero pagkatapos ay talon sa dagat at inuman ulit ang tropa!
Pinapatahan ko ang pamangkin ko, umiyak dahil nakita na naman itong si Mang Boy na kapit-bahay namin. Sa likod ko hinilot at hinaplos kasi medyo mahina ang baga nun. Tumahan naman. Nung umiyak din ako dahil sa sinira ng Kuya ang padalang robot ni Tatay na galing pang Saudi, sa likod din ako hinaplos ni Ate.
Sus ginoo! Ibenta na kasi iyang oner natin ‘tay, nakakainis na iyan. Pag hindi kasi nag-ii-start, tinutulak namin. Sempre sa likod ang puwesto ko para maganda ang buwelo. Mabuti na lang at kinabit na ni tatay ang basketball ring sa likod namin, makapag-shooting at makapag-onsehan mamayang hapon pag wala ng araw.
KUWENTO #16
Ang boring naman nitong teacher na ito. Panay basa lang sa libro. Walang wenta. Pag ganito ang mga teacher, ang una kong ginagawa ay magsulat ng kung anu-ano sa likod ng cattleya notebook ko. Sempre, kundi si Voltes 5 ang idu-drawing, isusulat ko naman ng iba-ibang style ang pangalan ko. Kaya pag manghihiram ako ng notes sa mga classmates ko, tinitingnan ko lagi ang likod nito, very weird at interesting ang mga nakasulat dun. Minsan yung mga crushes nila, celfone numbers, FLAMES (uso pa ba ito?), pangalan ng mga sikat na banda o artista, bungo, tic-tac-toe, at kung anu-ano pa.
Pag pipilas din sa notebook ng ilang pahina ay sa likod din, kahit na wala pa namang sulat ang mga unang pahina. May bagong padalang picture ang Ate, kaso di naman sinulatan ang likod ng kahit anong dedication. Dati, pag manghihingi ka ng picture sa kaklase mo o sa secret crush mo, naman po, pakilagyan naman ng sulat sa likod. Pero ngayong digital photos na ang uso, captions na ang inilalagay, pero iba pa rin ang sincerity ng sulat kamay sa likod ng picture ‘no?
KUWENTO #17
Gising nang maaga na naman, ROTC sa Fort Bonifacio. Dami naming mga cadets na wala namang ginagawa dun. Kumikita ang mga opisyal dito mula sa maiinit na softdrinks at malalamig na pizza pie (umiinit naman sa sikat ng araw). Panay palo sa likod ang inaabot ko pag medyo na-late ako nang pasok. Yung mga kupal na sadsad ang buhok ang mga epal dun! Kamote naman ang utak, malakas lang ang boses.
Sa mga ilang laban, hindi naman lumulugar sa harapan ang mga opisyal. Panay dikta lang iyon at utos lang ang mga iyon. Tapos yung mga nilalagay sa harapan ay sempre ang mga private o mga bagong recruit. Napanood ko iyong The Last Samurai, although may konting usap muna ang mga opisyal sa simula, pag banatan na, lumilikod na ang mga opisyal. Pero pagkatapos ng laban, sa mga opisyal pa rin ang honor at credits.
Ang pinaka-confusing na order ng mga opisyal : Harap sa likod…harap! He he he.
KUWENTO #18
Saan nakasuot ang kapa ni Superman at Batman? Sa likod.
Saan nakalagay sa kotse ang stroller ni baby? Sa likod.
Saan nagtago ang kalaguyo ni Monica nang dumating ang asawa niya? Sa likod.
Saan nakalagay ang suksukan ng speaker ng bagong DVD player ni Pot-Pot? Sa likod.
Saan nakalagay ang makina ng kotseng-kuba (Volks) ? Sa likod.
Saan dumaan si Judith nung nakipagtanan siya kay Esteban? Sa likod.
Saang bahagi ng pinto nakasabit ang pantalon ni Uncle? Sa likod.
Saan nagpunta si Dina nung makita ang crush niyang si Harry? Sa likod.
Saan nakatahi ang logo ng pantalong Levi’s at Guess? Sa likod.
Saang bahagi ng katawan inilalagay ni Lola ang munting tuwalya pag pawisan? Sa likod.
Saan ako titingin para malaman ko na nakasuot ng T-Back si Susan? Sempre, Sa likod.
KUWENTO #19
Pards, ‘wag kang gagalaw…papatayin ko iyong ipis sa likod mo! Ang daming ipis dun sa una kong accommodation, maliliit na ipis lang naman. Kaya asahan mo sa likod ng cabinet ay may pulong ang mga ipis. Nag-request kami ng Pest Control at iyon, napuksa lahat sila!
Mahirap talagang makita ang nasa likod natin. Kaya nga madalas ang aksidente pag may umaatras na sasakyan. May mga nababangga, naiipit at nagugulungan. Hindi sapat ang rear view mirror minsan. Kaya pinapababa ako ni Tatay pag aatras siya….kasya, kasya… oops!
Naalala ko tuloy si Ram (nag-impluwensya sa akin sa paggi-gitara), nung sinapok siya mula sa likuran ng isa naming schoolmate. Maangas daw kasi si Ram, pero hindi naman. Traydor ang mga ganun ano? Hindi muna inaantay na humarap. Pero pag pulis ka at tinutukan mo sa likod ang criminal, huwag mo na itong antayin humarap!
- FIN
(written January 2006, Dubai, UAE)
© 2015 Lex Von Sumayo