Muling nakinig ang natakpan kong pandinig. Nadadalas man ang pagiging pabaya ng mga tao sa paligid, hindi ko kailanman natutunan ang magtanim ng sama ng loob. Nananatili ako sa gilid. Ang minsang sagabal sa pag-unlad, ang pakiramdam na hindi na kailangan ang pagsuyo at ang pagtitiyaga na walang nilaga ay parusa sa nangangalahating saya. Ngunit ano ba talaga ang kasunod ng mga ganitong pangyayari? Ang unang gagawin ng iba ay mag-isip ng panapat at paghihiganti. Sa akin, itinuturing ko itong isang magandang pagkakataon.
Noong malaman ko na ako’y bulag sa kulay (color blind), naging masaya pa ako dahil matutuloy na ang unang pangarap--- ang maging isang artist. Itim at puti lang naman ang kailangan sa papel ng musika. Pagkakataon ko na ito para buuin ang tunay na tinitibok ng puso. Nang malaglag at matalo ako sa isang Game Show, nalungkot ako nang saglit lang dahil makalipas ng ilang araw ay nakatanggap ako ng isang tawag (phone call) mula sa isang production ng soap opera sa TV at binigyan ako ng pagkakataon na tumugtog sa likod ng camera at kalauna’y sa harap ng national TV. Naging kaibigan at kabanda pa ang lead actor paglaon. Noong hindi naging matagumpay ang isa sa aking Annual Concert, tinaguyod ko ang isang Guitar Orchestra dito sa Dubai noong 2009. Ginamit ko ang sobrang oras sa pagsusulat ng Ensemble Pieces. Dinikdik ang utak ngunit ang mga naging resulata ay sadyang tumpak. Nagising na lang ako isang araw at nag-desisyon na ibigay ko na ito sa iba. Ayos na siguro para sa akin ang (8) walong taong pagkumpas. Sa tingin ko ay nagbigay daan naman ito para magising ang isa sa mga natutulog kong pangarap--- ang maging isang filmmaker. Noong tumigil ako sa pag-upload ng videos sa Youtube, nagkaroon ako ng tamang pagkakataon na tingnan ang kasalukuyang sitwasyon, napansin ko na maliit lang pala ang nangyayari sa aking musika. Natakpan ang tunay na silbi ng aking musika ng ilang maliliit at maiigsing tagumpay. Pitong taon ko na pala itong ginagawa. Hindi naman ako nagsawa pero nawala na lang bigla. Sanay na sanay na siguro ako at hindi na nadadapa kaya naging bale-wala. Ang resulta ay isang malaking proyekto sa gitara na kahit ako ay masu-sopresa at hindi makapaniwala. Hindi lahat ng hinihintay ay dumarating. Nadadaig din ng masikap ang maagap. Nawawala rin ang bango ng bulaklak lalo na kapag may nakatapak. Lumilihis din ang mabilis na bala kung sakaling may gumambala. Napapagod din ang kalabaw kahit walang tao sa ibabaw. Natutunaw din ang yelo kahit ito ay nasa tuktok ng Everest. Ngunit hindi dapat magpatalo sa pagbabago ng panahon. Lumabas sa pagkakakulong sa kahon. Magdiwang kahit walang solusyon. Magpasalamat at ituring ito na isang pagkakataon. © 2017 Lex Von Sumayo
0 Comments
Your comment will be posted after it is approved.
Leave a Reply. |
AuthorLex writes because his head is always full. Titles
All
|