
Mapadaan ka man sa lugar ng mga mahilig magbiro, sadyang maaasahan mo ako. Matibay ako para sugpuin ang banta ng kalikasan. Isabak mo ako at ipang-katok sa mga taong may matitigas na ulo.
Pagpasensyahan mo na minsan kung hindi ko napapagbigyan ang ilan sa iyong mga kaibigan. Maliit lang ang kaya kong sakupin. Maintindihan mo sana iyon. At saka isa pa, ayaw ko rin naman na may kasama ka ‘pag ako ay nasa iyong piling. Manigas sila sa inggit.
Natutuwa nga ako dahil kahit mapusyaw at luma na ako ay nariyan ka pa rin sa tabi ko. Kitang-kita ko sa iyong mga mata kung gaano ako kahalaga, sakali mang dumating ang ilang pagdidilim ng langit sa iyong mga mata. Patunay lang na kahit makakita ka man ng iba na may taglay na ganda ay hindi mo ako kailanman ipagpapalit.
Konting pagbaluktot ko sa mga pagsubok, inaayos mo kaagad at mabilis na gumagawa ng paraan upang ako ay tumibay at magpatuloy. Kahit ako’y matuluan ng hinagpis ay pinupunasan mo ang bawat bahagi ko. Ayaw mo na ako’y makulob at maiwan sa isang sulok. Minu-minuto ay binabantayan mo ako.
Maingat mong binubuksan ang aking puso’t damdamin. Hinahayaan mong ikaw na lang ang mahagip ng makapangyarihang hangin dahil alam mo na hindi ko iyon kakayanin. Ganun ka sa akin mag-sakripisyo.
Hindi man tayo minsan magkasama habang ikaw ay natutulog, sigurado naman na bago ka lumabas ng bahay ay hahagingan mo ako ng kahit isang sulyap. Isasama kahit pa labing-anim na hakbang lang ang paglayo mo sa ating munting-bahay.
Kung tutuusin, ako lang ang iyong kaibigan sa gitna ng lumuluhang langit. Hawakan mo lang ako nang mahigpit at hindi kita iiwan sa anuman. Pangako ko sa iyo ito.
Tandaan mo, ako ay laging naririto para sa iyo, umulan man o umaraw. Maghihintay lang na iyong hugutin, ibulatlat at ibuka.
Kahit anong oras. Kahit saan.
Dahil ako ang iyong mahiwagang payong.
© 2006 Lex Von Sumayo