
Minsan kasi sige lang nang sige. Wala namang sapat na kaalaman pero kukunin pa rin ang napupusuang mobile phone. Pagkatapos ay sasabihin o ipapangako sa sarili na gagamitin ito o pag-aaralang gamitin. Aralin muna ang specs bago bilin. Hindi iyong bilin muna bago aralin ang specs. Makalipas ang ilang buwan, nakatengga lang ang libo-libong apps na hindi naman nagagamit at ang tanging napapakinabangan lang ay iyong mga basic lang na features. Sa totoong buhay naman talaga ay Calls at SMS lang ang tunay na ginagamit.
Kaya ang ilan, para lang makalusot, babanat ng mga justifications na talaga namang nakakatawa. Ang dahilan lang naman daw kung bakit pinili ang mahal at high-end na laptop ay dahil walang virus at mabilis ang processor. Pero hindi ka naman nakakakuha ng virus dahil sa FB at Youtube ka lang naman nagagawi. Ano naman ang pakialam sa processor speed kung hindi naman napapakinabangan sa photo, audio and video editing? Hindi naman graphic at web designer at programmer para magkaroon ng dedicated graphic cards at sobra-sobrang RAM ang computer. Sa totoong buhay, Netbook lang ang kailangan ng mga basic users.
Sa iba kasi, ang analysis sa pagkuha ng isang bagay ay tingnan muna kung magagawa ba nito ang totoong trabaho. Ang totoong dahilan kung bakit gagamitin. Nalilito lang siguro ang iba dahil minsan ay bumibili ng DSLR na camera pero ginagamit lang na parang Point & Shoot camera (auto mode) at minsan ay ginagawang accessories na parang fashionable necklace. Umiiskor ng mga mirrorless camera na gagamitin at ipipilit na parang isang DLSR. Sa totoong buhay, kaya may nakasabit na camera sa leeg ay para kumuha ng picture.
Saka hindi raw masasabing binili ang isang bagay kapag ito ay iyong inutang. Lalo kapag ito ay gusto lang ng isip. Iyong tipo na para makasali lang o makaramdam lang na elite o nasa trend. Makalipas ang ilang araw, hayan na ang credit card bills at magdudulot na ng konting panic dahil mag-a-adjust na sa budgeting. Sa totoong buhay, masarap ang may pera sa banko at iyong walang utang kaninuman o saanman.
Huwag sanayin ang sarili sa mga bagay na hindi naman kayang i-maintain pagdating ng panahon. Kaya kapag nasanay ka sa mga mamahaling bagay, mahihirapan nang bumaba at gumamit ng mga pangkaraniwan lang. Mas magandang pakinggan na kaya mo laging bumili ng mga kailangan, hindi iyong uutang na naman para lang ma-sustain lang ang hindi maintindihang lifestyle. Sa totoong buhay, ang basic people ay may basic needs.
Sa totoong buhay, mahirap talagang maging totoo.
© 2012 Lex Von Sumayo