
Minsan, pilit nating itinatago ang mga bagay na alam nating hindi matatanggap ng iba. Lalo na’t ito’y makakasira sa image natin o malayo sa akala ng iba na ikaw ay ganun. At maiiwasan din ang mga salita na galing sa mga kaibigan natin na “Ha?”, Talaga? , Kailan Pa?”
Dumaan ang mga panahon na ikaw ay naging isang UFO (Unidentified Fan Of…) ng isang bagay na hindi alam ng ating kaibigan, asawa, magulang, at maging ng iyong kapit-bahay.
Cafeteria Aroma
“Huwag ka, kunwari pa ito…naging fan ka rin naman ng show na Cafeteria Aroma sa Channel 9…” Oo, buong puso kong inaamin sa harap pa ni Apeng Daldal, naging regular viewer ako ng show na’yan!” . Narun kasi si Minyong (sya yung kalbong gitarista dun), at sempre ang mga jokes na iilan lang ang nakaka-appreciate, kasi medyo malalim yung ibang punch line.
Starry, Starry Night…
UFO din ako ni Don Mc Lean habang tinitingala ko ang “starry, starry night…” (Vincent) at kinakanta ang mahabang American Pie habang nilalampaso ko ang sahig namin (memorize ko ang lyrics nun dati!). Bad trip lang dahil kinanta ito nina Josh Groban at Madonna. Naging classical at disco tuloy.
Actually, nag-start talaga ako sa folk at country music, hindi sa rock ‘n roll.
Jollibee
Hindi lang dahil sa matamis na spaghetti at puedeng i-ulam na jolly hotdog, dito ko rin na-meet si Juvy Lagman. Naka-toka siya doon sa booth (for party reservations at hostings). Maganda si Juvy, lahat naman marahil ng dining crew ay nagka-crush dun. Lahat ay panay pa-cute sa kanya at panay bola, ganun.
Pero ako lang ang UFO ni Juvy. Ganun naman talaga ako, tahimik lang sa mga bagay na gusto ko. Sa last day ng service ko sa Jollibee, nag-iwan ako ng isang mysterious letter sa booth ni Juvy. Tinago ko ang sarili ko sa mga words na “First Rays of the New Rising Sun” (isa sa mga album ni Hendrix).
Pero later on, ang pagiging unidentified ko ay naging identified na. Nalaman niya iyon dahil ewan ko ba, ni-research nya raw. Sa lahat pala ng panahon na magkasama kami, wala akong kamalay-malay na UFO din nya pala ako! Hayy...salamat!
Si Juvy Lagman ay aking naging fiancee at naging asawa rin later on.
© 2006 Lex Von Sumayo