
MELODY
Kadalasan ay gumagamit ng 1 1/2 octaves or for example, sa C major scale : CDEFGABCDEF ang isang awitin. Ang tawag ko dito ay "melody range". Kung na-figure out mo na ang lowest at highest note ng tune, doon pa lang ay malalaman mo na kung anong Key mo ito ilalagay.
Paborito kong key ang G major dahil malawak ang range nito kahit pa sa first position lang. Ang key na ito ay may total na 2 octaves. Kung ang iyong napiling kanta ay nasa ibang keys tulad ng E, F, Bm, F#m, Eb, etc., mas maganda na ilipat o i-transpose mo ito sa mga friendly major keys like C, G, D at minor keys like Am and Em.
Ang 2 main reasons ay makukuha mo ang lahat ng chords sa chord family nito kahit sa first position lang at marami ka ring open strings para sa iyong melody. Nga pala, ang tinutukoy kong first position ay ang mga notes or chords na tinatamaan ang first 4 frets na guitar.
MEASURE
Ang normal length or duration ng isang standard tune ay 3 to 4 minutes. Ito rin ay binubuo ng mga basic parts : Intro, Verse, Refrain, Chorus, Bridge at Coda. Para maging simple lang ang areglo, kadalasan ay hindi ko na sinasama ang Intro part depende na lang kung ito ay tuneful or it is shaping the song very much. Ang weird minsan ay nilalagay ko intentionally ang Intro part sa huling bahagi ng areglo.
Kadalasan din ay hindi ko sinusunod ang tamang bilang ng parts or yung full structure ng isang song. 1 Verse at 1 Refrain/Chorus then ulit lang lahat. Lalagyan ko rin minsan ng dramatic Coda, ganun lang.
Pero may exemptions din ako minsan. Tulad ng areglo ko sa Alapaap ng Eraserhead, halos ay kinuha ko ang lahat ng parts nito dahil kung iyong mapapansin ay iba-iba ang tono ng bawat part. Kung ang mga verse or chorus ay slightly varied lang, hindi ko na iyon sinusulat ulit, bagkus ay "as is" na lang din ang mga ito then, repeat lang.
Kapag may mga modulation naman, okay lang kung ito ay whole step (like C to D, G to A). Pero kung ito ay half step lang (G to G#), hindi ko na ito ginagawan ng areglo dahil pahihirapan lang ako ng mga ipit or full bar chords. Saka hindi na rin magiging smooth ang takbo nito at nakakangalay din sa kamay.
Basically, kapag mahaba ang song, paigsiin. Pero kapag maigsi naman, subukang pahabain. Pero make sure lang na narun pa rin ang essential parts ng kantang napili. I can't imagine someone na mag-a-arrange ng kantang American Pie at Hey Jude na buong-buo ang parts and repetitions. Tsk, tsk, tsk...ang haba nun!
MOVEMENT
Importante rin na malaman kung mabilis o mabagal ang takbo ng kantang isusulat sa solo guitar. Sama mo dito ang galaw ng melody notes at yung transition ng mga chords. Kaya kadalasan kong banat ay moderate lang ang tempo para mapalabas ko nang husto ang melody at para hindi rin masyadong magiging busy ang Voice 2.
---
As much as possible sana ay logically playable ang gagawin mong areglo sa guitar. Kaya kung kayang i-maximized sa first position lahat ay ganun lagi ang gagawin ko.
Saka mas simple ay mas maganda.